Tuesday, July 29, 2025

GINAHASA BA SI GREGORIA "ORYANG" DE JESUS ?

ni Virgilio Leynes

Walang katibayan o salaysay na nagpapatunay na si Gregoria de Jesus (Oryang), ang magandang maybahay ni Supremo Andres Bonifacio, ay ginahasa noong taong 1897. Ayon sa mga salaysay, may mga ginawang tangkang dungisan ang kanyang kapurihan ng isang Koronel nangangalang Agapito Bonson (Koronel Intong) ngunit walang panggagahasang naisakatuparan. Pati rin sa sariling-akdang talambuhay ni Gregoria de Jesus, wala ring binanggit doon liban sa tangkang hindi naman natuloy.

Ang isa sa mga nagsasabing may nangyaring panggagahasa ay ang mananalaysay na si Ambeth Ocampo na sumulat sa pahayagang “Inquirer”, at ito ang kanyang sinabi:

“Ang listahan ng mga panggagahasa sa Pilipinas ay hindi mahuhusto kung hindi babanggitin si Gregoria de Jesus, maybahay ng supremo ng Katipunan, si Andres Bonifacio, na ginahasa ni Koronel Agapito Bonzon. Ang koronel ay hindi siniyasat o naparusahan ni Emilio Aguinaldo sa pagkakasalang ito. Ang panggagahasa kay Gregoria de Jesus ay isa sa kalunos-lunos na pangyayari sa himagsikan ng Pilipinas na karapatdapat bigyan ng hiwalay o tuusang pansin.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Ocampo[Rape])

Dalawang matinding punto ang ipinahayag ni Gg. Ocampo sa kanyang sinulat:
Una, si Oryang ay ginahasa, at,
Ikalawa, si Koronel Bonzon ay hindi siniyasat o pinarusahan ni Aguinaldo.
Pagusapan muna natin ang unang punto.
Sa “Inquirer,” mismong sinabi ni Gg. Ocampo na si Oryang ay ginahasa. Ngunit sa kanyang aklat, “Looking Back,” narito ang sinabi ni Gg. Ocampo:
“Siya ba ginahasa o hindi? Lahat ng hiling na pagsisiyasat ay hindi pinansin ni Aguinaldo. Pagsamasamahin ito at mauunawaan kung bakit ang mga mananalaysay ay siya ang itinuturo na may kagagawan ng pagkamatay ni Bonifacio. Ako rin.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Ocampo[Looking], 83)

Ayon sa tinukoy sa itaas, hindi sinabi ni Gg. Ocampo na si Oryang ay ginahasa. Sa halip, nagtatanong siya, ngunit hindi niya ibinigay ang kasagutan, Sa halip sinundan niya ng pahayag na ang mga katulad niyang mananalaysay ay itinuturo si Aguinaldo na may kagagawan ng pagkamatay ni Bonifacio dahilan sa “hindi niya pinansin ang tawag na siyasatin ang paratang na panggagahasa.“
Mukhang hindi wasto ang pananaw niyang dito. Gayon man, mayroon nga bang naghain ng sumbong ng panggagahasa? Sino at laban kanino? Walan naman liban sa panukala noong nililitis si Bonifacio. Si Ginoong Baldomero Aguinaldo, bilang Tagapagsuri ng Hukumang-digma ay nagmungkahi na imbestigahin ang reklamo ni Andres Bonifacio na tangkang panghahalay kay Oryang (mayroong kaunti pang paliwanag ang Mayakda sa darating pang mga talata).

Balikan natin ang sinulat ni Gg. Ocampo sa “Inquirer”. Mapapansin na agad siyang nagpasya na si Oryang ay ginahasa. Paano nabuo kay Gg. Ocampo ang pasyang ito? Paano nagbago ang kanyang pagtingin mula sa posisyon na “siya ba ay ginahasa o hindi” sa kanyang aklat nang taong 1990, tungo sa posisyon na “siya ay ginahasa” sa kanyang sinulat sa “Inquirer” noong taong 2016? Wala siyang ipinaliwanag sa “Inquirer” sa pagbabago ng kanyang pananaw. Si Gg. Ocampo ay isang tanyag na mananalaysay, at mabigat ang kanyang tungkulin ang magingat sa mga pahayag na walang katibayan o dagliang kapasyahan. Dapat maglabas siya ng paliwanag kung sakaling di pa niya ito nagawa.

Sa kanyang sariling-akdang talambuhay, walang binanggit si Oryang ng anumang paggahasa o tangkang pagdungis sa kanyang kapurihan. Ngunit nabanggit niyang siya ay itinali sa isang punong kahoy at pilit na ipinalilitaw sa kanya kung saan nakatago ang salapi ng Katipunan. ( De Jesus, 18 and 65-68)

Ngunit sa kanyang patutuo noong nilitis si Bonifaio, sinabi ni Oryang na dalawang ulit siyang tinangkang gahasain ni Koronel Intong. Narito ang kanyang sinabi:
“Nang matapos ang labanan . . . umakyat sa bahay ang mga sundalo, hinanap ako at nang ako ay makita nila ay pilit nilang hinihingi ang aking salapi, alahas at mga ari-arian. Sinamsam ni Koronel Intong ang aking singsing pangkasal, labindalawang piso, mga bala ng baril na nasa aking pangangalaga, at ako ay itinali sa isang punong kahoy, at mukhang lalapastanganin ako, ngunit napigil siya ng kanyang mga tauhan. Noong ako ay dalhin sa Indang muli niya akong itinali sa isang punong kahoy at akmang lalapastanganin ako, ngunit hindi natuloy dahil sa matinding pagtutol ng kanyang mga sundalo.” (Salin nga Mayakda mula Ingles sa Taylor, 1:323)



































At narito ang sinabi ni Andres Bonifacio sa kanyang patutuo tungkol sa pagnanasa ni Koronel Intong noong siya ay nilitis:
“Kung hindi dahil sa nagkataong pagpigil ng kanyang mga nakabababang pinuno, ang aking maybahay ay maaring nagahasa niya. Nang hindi nagawa ito ni Koronel Intong, tinangkang niyang bihagin ang aking asawa, ngunit hindi niya naisakatuparan ang masamang balak dahil sa pagtutol ni Tomas Mascardo.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Taylor, 1:321)
Binanggit din ito ni Santiago Alvarez sa kanyang gunita:
“At sa ikagaganap ng budhing pamumuksa, sila'y sinamsaman ng mga ari-ariang kaunting damit at kaunting salaping baon; at ang asawa niya (ng nililitis na Supremo), ay tinangkang ipanhik sa isang bahay na walang tao ni koronel Intong. Salamat sa pamamag-itan ng ibang punung-kawal na kasamahan dni nila, at di natuloy ang gayong makahayop na banta.” (Alvarez[Katipunan], 342)
Ang salaysay ni Alvarez ay bumanggit ng pangalawang pagtatangka:
“At sa Indang, samantalang nag-aalaga sa kanya ang kanyang may-bahay, sumipot ang isang punung-kawal na ang sabi ay Komandante, at pinipilit na kunin ang sinabing may-bahay; salamat di't sa-rarating si hral. Tomas Mascardo . . " (Alvarez[Katipunan], 342)
Sa kabuuan, walang nabanggit na panggagahasa sa lahat ng mga pahayag – ni Oryang, ni Bonifacio at ni Santiago Alvarez. Maari ngang nangyari ang panggagahasa kay Oryang ngunit dahil sa kaugalian noon panahon na iyon na itago ang pagkakasira ng puri nagsasawalang kibo na lamang si Oryang. Subalit habang walang salaysay o malinaw na katibayan na nagpapatunay na tutuo ang sabi-sabi na si Oryang ay ginahasa, masasabing ang panggagahasa kay Oryang ay hindi nangyari, kahit tutuong dalawang ulit na tinangka ito sa kanya.
Lumipat naman tayo sa ikalawang punto n Gg. Ocampo.
Sinabi ni Gg Ocampo na hindi siniyasat o pinarusahan si Koronel Intong ni Aguinaldo. Kulang-kulang ang pahayag na ito. Ang Tagausig ng Hukom sa paglilitis kay Bonifacio na si Baldomero Aguinaldo ay naghain ng mungkahi noong ika 7 ng Mayo, 1897 sa Hukbong Hukom na siyasatin si Koronel Intong. Narito ang sinabi ni Hukom Baldomero Aguinaldo:
“Sa karagdagan, iminumungkahi kong siyasatin si Diego Mojica at Ariston Villanueva upang malaman kung ano kanilang papel sa pagsasabwatan, at ang kanilang pakikiisa sa balak ni Bonifacio. Hinihingi ko rin sa Hukbong Hukom na magbukas ng pagsisiyasat sa masamang asal ni Koronel Bonson tungkol sa napabalitang di mabuting pakikitungo at tangkang panggagahasa sa asawa ni Bonifacio.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Taylor, 1:328)
Sa kasamaang palad, walang nangyari sa mungkahi ni Baldomero Aguinaldo dahil ang huling tanggulan ng pamahalaang himagsikan, ang Maragondon, kung saan ginawa ang paglilitis kay Bonifacio, ay nilusob ng mga Kastila at nagkaroon ng mainit na labanan na ikinasawi ng marami sa magkabilang panig. Nakubkob ang Maragondon pagkatapos ng matagal at mahirap na labanan at sumunod na nakuha ng kalaban ang maliliit pang bayan – Mendez Nunez, Amadeo, Alfonso, Bailen at Magallanes na madaling napasakamay ng mga Kastila. Nawasak ang pamahalaang himagsikan at nagkahiwa-hiwalay ang manghihimagsik sa kalapit na lalawigang Batangas at si Aguinaldo naman, kasama ang natitirang tauhan at maraming taongbayan, ay tumakas patungo sa Biak-na-Bato sa lalawigan ng Bulakan.
Papaano sa ganitong kalagayan mabibigyan ng pangunahing pansin ang sumbong na panggagahasa? Ang mga taong ito ay hindi nakaupo sa kanilang mga upisina at nagkakape tulad marahil sa himig ng pahiwatig ng ilang mananalaysay. Tama lang na ang unang bibigyang halaga ni Aguinaldo ay asikasuhin ang natitirang pang mga kawal, ikamada muli at isaayos ang hukbo.
Ang panggagahasa ay isang malubhang pagkakasala noong panahon na iyon – paghihiganti sa mga kamaganak ng napariwara at dagliang kamatayan naman sa nanggahasa. Halimbawa, si Koronel Ritual (ang pinuno na nangalaga ng pinagkulungan kay Bonifacio) ay ginahasa ang magandang anak ng isa niyang nakabababang pinuno. Ang ama, isang tenyente na nangangalang Antonio, ay hindi nagpakita ng sama ng loob o galit sa halip ay gumawa balak na paghihiganti. Naghanda siya ng isang engrandeng tanghaliang na mayroong nilaga at piniritong manok, pesang kanduli and adobong hito, na may alak at iba pang pampagana. Nang magsimulang kumain ang koronel at kanyang kasama, isang malakas na unday ang tumama sa ulo ng koronel at agad siyang namatay. Nagtangkang tumakas ang kasama ngunit siya man ay inundayan sa ulo at napatay. (Alvarez[Katipunan], 441) Ganito ang kapalit ng pagdungis sa puri ng isang babae mula sa kanyang mga kamaganak.
Si Oryang ay pamangkin sa pinsan ni Mariano Alvarez, ang pangulo ng sangguinang Magdiwang ng Katipunan, kaya kamaganak ni Heneral Santiago “Apoy” Alvarez, ang kapitan heneral ng hukbong Magdiwang. Ang mga Alvarez ay makapangyayari sa kalahati ng Cavite. Hindi kaya kataka-taka kung bakit si Mariano Alvarez (at ang anak niyang si Santiago) ay tahimik at hindi kumilos o nagbuhat ng kamay upang ipaghiganti o humingi ng katarungan sa ginawang paglapastangan sa kanyang pamangkin? Ang kasagutan ay malinaw: paniwala ang mga Alvarez na walang nangyaring panggagahasa at walang dahilan upang maghiganti o humingi ng katarungan.
Ang mga salaysay ngayon tungkol sa sinasabing panggagahasa kay Oryang ay paulit-ulit na ikinakalat, na nagdadagdag ng gatong sa kumukulong kalituhan sa kasaysayan, na nagiiwan ng maitim na mantsa sa alaala ng ating mga bayani, kahit haka-haka lamang at walang katanggap-tanggap na katibayan. Dapat matigil ito alang-alang sa pagkakaisa nating mga Pilipino.

Monday, July 28, 2025

AGAW-ARMAS - ANG SIMULA NG PAGHIHIMAGSIK NI AGUINALDO SA CAVITE ni Virgilio Leynes

Ang “Sigaw ng Kabite,” na naganap kinabukasan, ika-31 ng Agosto (taong 1896) ay isang kagiliw-giliw na halimbawa ng pagkakaiba sa pagitan ng proletaryado ng Maynila at ng mga rebolusyonaryo ng Kabite. Ang pangunahing layunin ni Aguinaldo ay makakuha ng mga sandata upang ipaglaban ang bayan laban sa kaaway. Bilang kapitang bayan, may malinaw siyang kalamangan sa Supremo na si Bonifacio at sa mga Katipunero ng Maynila: gagamitin niya ang kanyang katungkulan upang maisakatuparan ang kanyang layunin. Siya’y gagamit ng estratehiya. Maging payak man ito, ay matalim: siya’y pupunta kay Koronel Fernando Fargas, ang gobernador político-militar, at hihingi ng mga baril at isang pangkat ng mga kawal-dagat upang palakasin ang kanyang mga cuadrillero, sa dahilang ang Kabite ay sinasabing nanganganib salakayin ng mga tulisan. Subalit ang kanyang tunay na layunin ay habatin at bihagin ang mga kawal-dagat upang makuha ang kanilang mga sandata. Bago tumungo sa daungan ng Kabite nang Lunes ng umaga, dumaan muna si Aguinaldo sa kura paroko ng bayang si Padre de Blas upang humingi ng sulat ng rekomendasyon. 

Ngunit sinabi ng pari na, bilang kapitang bayan, ay madali niyang makakamit ang kanyang kahilingan mula sa gobernador. Si Koronel Fargas ay may bisita sa kanyang tanggapan—ang brigadier heneral ng mga kawal-dagat—ngunit nang mabatid niyang ang opisyal ng Kabite ay nasa labas, ay ipinatawag niya ito sa loob. “Gobernador,” wika ni Aguinaldo na may bahid ng pagmamadali, “ang mga tulisan ay papalapit na sa aming bayan, at nabatid ko ring marami sa kanila ay nagtitipon sa mga labas-bayan ng Malibay, Pasay, at Palanyag. Dahil sa nagpipintong malubhang kalagayan, ako’y humihiling ng pangkat ng mga kawal-dagat upang tumulong sa aking mga cuadrillero.” Sa sandaling iyon, ang panauhing brigadier heneral ay nakapagsalita nang di-sinasadya, na siyang nagbunyag ng mahalagang impormasyong militar na lubos na umakma sa lihim na balak ni Aguinaldo. “Ang lahat ng kawal-dagat dito sa Kabite,” anang opisyal, “ay ipinadala na sa Maynila sa utos ni Gobernador-Heneral Blanco, na nagdeklara ng batas militar sa walong lalawigan. Isa na lamang ang natitirang kompanya dito sa arsenal.” Sapat na ang impormasyong iyon para kay Aguinaldo upang matiyak na sa pag-iral ng tamang sandali, siya at ang kanyang mga kasamang Katipunero sa Kawit ay masakop ang Casa Tribunal nang walang panganib ng agarang pagtulong mula sa kabisera ng Kabite. 

Bago umuwi sa Kawit, dumaan muna si Aguinaldo sa ilang kasamang Katipunero at inutusan silang maghanda sapagkat siya’y mag-aalsa na nang gabing iyon. Bandang ikalawa ng hapon siya’y nakarating sa Kawit. Dumiretso siya sa kumbento upang ipagbigay-alam sa kura ang kabiguang natamo sa kanyang misyong opisyal. Umuwi siya sandali at pagkatapos ay muling nagbalik sa tribunal kung saan nakita niya ang dalawa niyang konsehal: sina Candido Tirona at Santiago Dano. Ang balak ni Aguinaldo ay maghimagsik kinagabihan, datapuwa’t nang siya’y mabalitaan na ang mga Katipunero ng Magdiwang ay nagaklas na sa San Francisco de Malabon at sa Noveleta, minabuti niyang simulan agad, yamang tatlong guwardiyang sibil lamang ang nakatalaga sa Casa Tribunal. Sa panahong yaon ng kapana-panabik na kalagayan, ang makataong damdamin ni Aguinaldo ay lumitaw: “Huwag nating patayin ang mga guwardiya,” sabi niya. “Hingin lang natin ang kanilang mga baril ng mapayapa.”

 
….Ang balak ay pasukuin ang tatlong guwardiya sibil sa isang marangal na labanan. “Kaming dalawa ni kumpadre Candido ang bahala rito,” wika ng matapang na kapitang bayan. … “Makabubuting si Kuya Dano ay umuwi na sa Binakayan upang abisuhan ang ating mga tauhan roon at bantayan ang polbórin.” Si Aguinaldo, bagama’t katamtaman lamang ang taas, ay madaling natalo at nakuha ang mga sandata ng dalawang guwardiya sibil. Subalit si Candido Tirona ay nahirapan sa pakikipagbuno sa ikatlong guwardiya na mas malaki at isa pang sarhento. 

Ang mga cuadrillero, na sabik nang sumalakay, ay inutusan ni Aguinaldo na huwag makialam maliban na lamang kung kinakailangan. “Ibigay mo sa akin ang iyong baril,” mariing utos ni Aguinaldo sa matigas na sarhento, subalit hindi siya pinansin nito. Sa kanyang Alaala, ikinuwento ni Aguinaldo ang sumunod: “Kaya’t binigwasan ko siya sa sikmura at siya’y napaurong. Nabitiwan niya ang kanyang baril at sinunggaban siya ng aking mga cuadrillero na may mga punyal at itak. Ngunit pinigil ko sila at sumigaw: ‘Huwag ninyong patayin ang taong ito!’ Sa kasamaang-palad, isa sa mga cuadrillero ay hindi nakinig sa aking utos at tinaga siya sa tapat ng tainga.” Nagtamo ng malaking sugat ang guwardiya sibil, ngunit tiniyak sa kanya ni Aguinaldo na hindi siya mamamatay. “Kung hindi ko pinigil ang kamay ng cuadrillerong iyon, ay patay ka na sana ngayon din,” aniya. Agad na ipinatawag ng kapitang bayan ang isang manggagamot upang gamutin ang sugatang lalaki. (Translated from Saulo, 94)

GINAHASA BA SI GREGORIA "ORYANG" DE JESUS ?

ni Virgilio Leynes Walang katibayan o salaysay na nagpapatunay na si Gregoria de Jesus (Oryang), ang magandang maybahay ni Supremo Andres Bo...