Ngunit sinabi ng pari na, bilang kapitang bayan, ay madali niyang
makakamit ang kanyang kahilingan mula sa gobernador. Si Koronel Fargas ay may
bisita sa kanyang tanggapan—ang brigadier heneral ng mga kawal-dagat—ngunit nang
mabatid niyang ang opisyal ng Kabite ay nasa labas, ay ipinatawag niya ito sa
loob. “Gobernador,” wika ni Aguinaldo na may bahid ng pagmamadali, “ang mga
tulisan ay papalapit na sa aming bayan, at nabatid ko ring marami sa kanila ay
nagtitipon sa mga labas-bayan ng Malibay, Pasay, at Palanyag. Dahil sa
nagpipintong malubhang kalagayan, ako’y humihiling ng pangkat ng mga kawal-dagat
upang tumulong sa aking mga cuadrillero.” Sa sandaling iyon, ang panauhing
brigadier heneral ay nakapagsalita nang di-sinasadya, na siyang nagbunyag ng
mahalagang impormasyong militar na lubos na umakma sa lihim na balak ni
Aguinaldo. “Ang lahat ng kawal-dagat dito sa Kabite,” anang opisyal, “ay
ipinadala na sa Maynila sa utos ni Gobernador-Heneral Blanco, na nagdeklara ng
batas militar sa walong lalawigan. Isa na lamang ang natitirang kompanya dito sa
arsenal.” Sapat na ang impormasyong iyon para kay Aguinaldo upang matiyak na sa
pag-iral ng tamang sandali, siya at ang kanyang mga kasamang Katipunero sa Kawit
ay masakop ang Casa Tribunal nang walang panganib ng agarang pagtulong mula sa
kabisera ng Kabite.
Bago umuwi sa Kawit, dumaan muna si Aguinaldo sa ilang
kasamang Katipunero at inutusan silang maghanda sapagkat siya’y mag-aalsa na
nang gabing iyon. Bandang ikalawa ng hapon siya’y nakarating sa Kawit. Dumiretso
siya sa kumbento upang ipagbigay-alam sa kura ang kabiguang natamo sa kanyang
misyong opisyal. Umuwi siya sandali at pagkatapos ay muling nagbalik sa tribunal
kung saan nakita niya ang dalawa niyang konsehal: sina Candido Tirona at
Santiago Dano. Ang balak ni Aguinaldo ay maghimagsik kinagabihan, datapuwa’t
nang siya’y mabalitaan na ang mga Katipunero ng Magdiwang ay nagaklas na sa San
Francisco de Malabon at sa Noveleta, minabuti niyang simulan agad, yamang
tatlong guwardiyang sibil lamang ang nakatalaga sa Casa Tribunal. Sa panahong
yaon ng kapana-panabik na kalagayan, ang makataong damdamin ni Aguinaldo ay
lumitaw: “Huwag nating patayin ang mga guwardiya,” sabi niya. “Hingin lang natin
ang kanilang mga baril ng mapayapa.”
….Ang balak ay pasukuin ang tatlong guwardiya sibil sa isang marangal na labanan. “Kaming dalawa ni kumpadre Candido ang bahala rito,” wika ng matapang na kapitang bayan. … “Makabubuting si Kuya Dano ay umuwi na sa Binakayan upang abisuhan ang ating mga tauhan roon at bantayan ang polbórin.” Si Aguinaldo, bagama’t katamtaman lamang ang taas, ay madaling natalo at nakuha ang mga sandata ng dalawang guwardiya sibil. Subalit si Candido Tirona ay nahirapan sa pakikipagbuno sa ikatlong guwardiya na mas malaki at isa pang sarhento.
Ang mga
cuadrillero, na sabik nang sumalakay, ay inutusan ni Aguinaldo na huwag makialam
maliban na lamang kung kinakailangan. “Ibigay mo sa akin ang iyong baril,”
mariing utos ni Aguinaldo sa matigas na sarhento, subalit hindi siya pinansin
nito. Sa kanyang Alaala, ikinuwento ni Aguinaldo ang sumunod: “Kaya’t binigwasan
ko siya sa sikmura at siya’y napaurong. Nabitiwan niya ang kanyang baril at
sinunggaban siya ng aking mga cuadrillero na may mga punyal at itak. Ngunit
pinigil ko sila at sumigaw: ‘Huwag ninyong patayin ang taong ito!’ Sa
kasamaang-palad, isa sa mga cuadrillero ay hindi nakinig sa aking utos at tinaga
siya sa tapat ng tainga.” Nagtamo ng malaking sugat ang guwardiya sibil, ngunit
tiniyak sa kanya ni Aguinaldo na hindi siya mamamatay. “Kung hindi ko pinigil
ang kamay ng cuadrillerong iyon, ay patay ka na sana ngayon din,” aniya. Agad na
ipinatawag ng kapitang bayan ang isang manggagamot upang gamutin ang sugatang
lalaki. (Translated from Saulo, 94)
No comments:
Post a Comment