Tuesday, January 22, 2019

Emilio Aguinaldo’s Thoughts on the eve of Declaration of Philippine Independence

(as composed for the old hologram of the Museo ni Emilio Aguinaldo in 1998; transcribed by Dr. Emmanuel F. Calairo in 2014)

Magandang gabi mga kaibigan!

Salamat sa inyong pagdalaw at pagtaguyod ng ating makasaysayang tangkain. Nararamdaman ko na dulot ng ating pagkakaisa, haharapin natin na buong-buo ang loob ang masayang hamon ng kasarinlan. Narito na ang bunga ng ating pagpapakasakit – ang kasarinlan na hinahangad; ang tunay na katubusan sa pagka alipin; ang lubos na pagsasauli ng nawalang kalayaan. Wala pang dalawang pung araw mula nang bumalik ako ng pagkakadestiyero sa Hongkong nang  pinalakas natin muli ang labanan. Napalaya na ang mga lalawigan ng Cavite, Mindoro, Batangas, Laguna, Morong, Tayabas, Bataan, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac at Pangasinan. Napipinto na rin ang tagumpay ng ating mga hukbo ng mga probinsiya ng hilagang Luzon at Visaya.

Mabubuo na ang ating bansa. Makakapagtatag na tayo ng mga pamunuan at paaralang pampubliko sa bawat bayan. Titipunin natin ang pinakamarurunong at pinakamamahusay na kabayan na may puso at damdamin para sa kapakanan ng lahat.
Magtatayo tayo ng kongreso. Ito ang nilikha ng ating saligang batas. Ang kongreso din ang siyang maghahalal ng ating magiging Pangulo. Isasaayos natin an gating pamahalaan nang sa gayon tayo ang magiging kauna-unahang republika sa Asya. Panahon na kung gayon upang ipabatid natin sa buong mundo na kaya nating pangasiwaan an gating mga sarili , na may Libertad, Equalidad, at Fraternidad – na galing Fransiya ang katagang iyan – Kasarinlan, Pagpapantay-pantay, at Pagkakapatiran.

Ngayon ay dadalhin natin sa Asya ang demokrasya. Ipinagkatiwala ko na kay Ginoong Ambrosio Rianzares Bautista ang dokyumento ng proklamasyon. Walang mag-aalinglangan sa kakayahan ng ating si Ginoong Bautista. Sa kaniyang edad na anim na pu’t pito siya ay marami ng karanasan at may sapat na kaalaman upang gampanan ang ganitong gawain. Siya ay may malasakit. Isa siyang abugado na pinagtatanggol ang mga mahihirap ng walang bayad. Matagal na rin siyang kabalikat ng mga rebolusyonaryo. Sa katunayan tinustusan niya ang paglalathala ng La Solidaridad at naging kasapi siya ng La Liga Filipina ng kaniyang pamangking si Rizal. May sapat na dahilan kung siya ay aking gawing awditor ng giyera at opisyal na tagapayo.



Bukas makakasama nating lahat ang makabayang bumuhay sa ating paniniwala at pagtitiwala sa sarili. Hindi man natin sila makapiling o hindi man sila makadalo, tiyak kasama na natin ang ibang makabayan sa puso at damdamin. Bukas ipagdiwang natin ang kalayaan mula sa pagka-alipin at pang-aapi. Magsisimula tayo magbanghay ng sariling tadhana. Magpasalamat tayo at bukas, sisilab ang araw sa isang bagong bansa. #

No comments:

Post a Comment

GINAHASA BA SI GREGORIA "ORYANG" DE JESUS ?

ni Virgilio Leynes Walang katibayan o salaysay na nagpapatunay na si Gregoria de Jesus (Oryang), ang magandang maybahay ni Supremo Andres Bo...