ni Basilio Ibabawan
Maraming umaakusa kay Aguinaldo na ipinapatay niya si Bonifacio dahil sa kanyang sulat kamay niya na may petsang Marso 22, 1948. Itong sulat daw na ito ay pagamin ni Aguinaldo na inutos niyang ipapatay si Bonifacio. Halatang-halata na hindi nagsaliksik o talagang di alam ang dahilan kung bakit naglabas si Aguinaldo ng ganitong sulat. Kaya nararapat isalaysay ang pinagmulan ng sulat upang maliwanagan ang tunay na pangyayari.
Mapapansin na ang petsa ng sulat ay Marso 22, 1948, ilang dekada na ang nakalipas kung bibilangin mula sa araw ng pangyayayari. Bakit noon lang ito sinulat ni Aguinaldo? Ayon kay Aguinaldo mas minabuti niyang manahimik sa usapin tungkol sa nangyari sa magkapatid dahil ayaw niyang pagsimulan ito ng sigalot lalo na't tayo noon ay hindi pa malaya.
Ngunit noong Marso 22, 1947 nagkaroon ng pagdiriwang sa kanyang tahanan sa Kawit para sa ika-78 niyang kaarawan na dinaluhan ng maraming tapat na kabigan, tagasunod at tagasangguni. At dahil ika-50 ding kaarawan ng pulong sa Tejeros tinanong siya kung tutuo ang pahayag ni Heneral Pio del Pilar na di umano'y huli na nang natanggap ni Heneral Mariano Noriel ang patawad dahilan sa siya (si Aguinaldo) ay nasa isang ilang na lugar at nangangalap ng mga tauhan upang makatulong sa hukbong nagagapi na ng mga Kastila. Sa kaunaunahang pagkakataon nagsalita si Aguinaldo tungkol sa pangyayari sa magkapatid na Bonifacio at ang sagot niya ay "...iyan ay walang katotohanan." Dugtong pa niya na talagang tanto na nina Del Pilar at Noriel ang tungkol sa patawad bago pa man binaril ang magkapatid dahil noong ilabas niya ito ay agad-agad siyang nilapitan ng dalawa at nagsumamo na bawiin ang patawad at ipatupad ang hatol ng Korte Militar para sa kapakanan ng himagsikan at kapanatagan ng bayan.
Nang okasyon ding iyon, nagunita ni Aguinaldo ang pagbisita ng isang manunulat na may dalang kasulatan na pinalalagdaan sa kanya. Kinuha niya ang kopya ng nasabing sulat sa kanyang silid at ipinakita sa mga bisita. Itinuro niya ang dalawang talata na nagsasaad na di umano'y huli na ng matanggap ni Heneral Noriel ang indulto kaya natuloy ang pagbaril sa magkapatid na Bonifacio. Hindi niya nilagdaan ang kasulatan at sinabi niya sa manunulat na hindi tutuo ang sinasabi doon at siya'y magsisinungaling kung kanyang lalagdaang. At dugtong pa niya, dapat aniya katotohanan ang masulat sa kasaysayan.
Kaya naman pagsapit ng kanyang ika-79 kaarawan ng Marso 22, 1948, at bilang handog sa alaala ng himagsikan at pagtatama ng kasaysayang ng sambayanang Pilipino ay minarapat ni Aguinaldo na sulatin ang tunay na pangyayari. At ito na nga ang sulat kamay niyang may petsang Marso 22, 1948.
Kung babalikan ang pangyayaring noong May 10, 1897, hindi si Aguinaldo ang nagpataw ng parusang kamatayan kundi ang Korte Militar na lumitis sa magkapatid. Sapagkat ang hatol ay siyang buod ng makatuwirang parusang iginawad sa magkapatid at ito ay may matibay na tinitindigan - ang pagtataksil ni Bonifacio sa pamahalaan, lalo't na nagawa niya ito sa panahon pa naman ng giyera, bagay na nakatulong sa kalaban. Kung tawagin ito sa Ingles ay "treason", or kataksilan, at ang katapat na parusa na naging kaugalian ng militar saan man pook ng mundo ay kamatayan sa pamamagitan ng bitay o pagbabaril.
Ano nga ba ang mga kasalanan ni Bonifacio? Dapat pagusapan ito upang lumabas ang tunay na dahilan ng kanyang pagkamatay. Makikita sa pagsusuri na si Bonifacio mismo ang nagtulak sa kanyang sarili tungo sa kamatayan. Narito ang mga kasalanan ni Bonifacio: Una, hindi niya kinilala at nilabanan pa nga ang pamahalaan; Ikalawa, naglunsad siya ng kudeta; Ikatlo, nagtayo ng sariling hukbo; Ika-apat, inatake ang bayan ng Indang; Ika-lima, nakipagbarilan sa mga umaarestong kawal na naging sanhi na pagkamatay na isa niyang kapatid na si Ciriaco at dalawang kawal ng pamahalaan; at, Ika-anim, binalak niyang patayin si Aguinaldo na isasagawa sana niya kung hindi natutop ang kanyang sinimulang kudeta. Malaki ang pagkakasala ni Bonifacio, hindi biro-biro, lalo't naging sanhi ng pagkakahati-hati ng hanay ng mga rebolusyonaryo na maaring naging mitsa ng isang giyera sibil kung hindi naagadan.
Kaya nga nasabi ni Mabini na kung sa kanya nangyari ang ginawa ni Bonifacio, wala nang paglilitis, baril agad.
Ang batis: ang mga binanggit ko rito ay hango sa aklat ni Jose P. Santos, na pinamagatang "Andres Bonifacio" nalimbag noong 1948 at ang aklat ni Carlos Ronquillo, "Ilang Talata Tungkol sa Paghihimagsik Nang Taong 1896-1897", nalimbag noong 1996, pati na ang kay Onofre D. Corpuz, "Saga and Triumph" at ang alaala ni Santiago Alvarez.
#TuklasPilipinas
#NoHateHistory
#TuklasPilipinas
#NoHateHistory
No comments:
Post a Comment