Showing posts with label Aguinaldo. Show all posts
Showing posts with label Aguinaldo. Show all posts

Monday, July 28, 2025

AGAW-ARMAS - ANG SIMULA NG PAGHIHIMAGSIK NI AGUINALDO SA CAVITE ni Virgilio Leynes

Ang “Sigaw ng Kabite,” na naganap kinabukasan, ika-31 ng Agosto (taong 1896) ay isang kagiliw-giliw na halimbawa ng pagkakaiba sa pagitan ng proletaryado ng Maynila at ng mga rebolusyonaryo ng Kabite. Ang pangunahing layunin ni Aguinaldo ay makakuha ng mga sandata upang ipaglaban ang bayan laban sa kaaway. Bilang kapitang bayan, may malinaw siyang kalamangan sa Supremo na si Bonifacio at sa mga Katipunero ng Maynila: gagamitin niya ang kanyang katungkulan upang maisakatuparan ang kanyang layunin. Siya’y gagamit ng estratehiya. Maging payak man ito, ay matalim: siya’y pupunta kay Koronel Fernando Fargas, ang gobernador político-militar, at hihingi ng mga baril at isang pangkat ng mga kawal-dagat upang palakasin ang kanyang mga cuadrillero, sa dahilang ang Kabite ay sinasabing nanganganib salakayin ng mga tulisan. Subalit ang kanyang tunay na layunin ay habatin at bihagin ang mga kawal-dagat upang makuha ang kanilang mga sandata. Bago tumungo sa daungan ng Kabite nang Lunes ng umaga, dumaan muna si Aguinaldo sa kura paroko ng bayang si Padre de Blas upang humingi ng sulat ng rekomendasyon. 

Ngunit sinabi ng pari na, bilang kapitang bayan, ay madali niyang makakamit ang kanyang kahilingan mula sa gobernador. Si Koronel Fargas ay may bisita sa kanyang tanggapan—ang brigadier heneral ng mga kawal-dagat—ngunit nang mabatid niyang ang opisyal ng Kabite ay nasa labas, ay ipinatawag niya ito sa loob. “Gobernador,” wika ni Aguinaldo na may bahid ng pagmamadali, “ang mga tulisan ay papalapit na sa aming bayan, at nabatid ko ring marami sa kanila ay nagtitipon sa mga labas-bayan ng Malibay, Pasay, at Palanyag. Dahil sa nagpipintong malubhang kalagayan, ako’y humihiling ng pangkat ng mga kawal-dagat upang tumulong sa aking mga cuadrillero.” Sa sandaling iyon, ang panauhing brigadier heneral ay nakapagsalita nang di-sinasadya, na siyang nagbunyag ng mahalagang impormasyong militar na lubos na umakma sa lihim na balak ni Aguinaldo. “Ang lahat ng kawal-dagat dito sa Kabite,” anang opisyal, “ay ipinadala na sa Maynila sa utos ni Gobernador-Heneral Blanco, na nagdeklara ng batas militar sa walong lalawigan. Isa na lamang ang natitirang kompanya dito sa arsenal.” Sapat na ang impormasyong iyon para kay Aguinaldo upang matiyak na sa pag-iral ng tamang sandali, siya at ang kanyang mga kasamang Katipunero sa Kawit ay masakop ang Casa Tribunal nang walang panganib ng agarang pagtulong mula sa kabisera ng Kabite. 

Bago umuwi sa Kawit, dumaan muna si Aguinaldo sa ilang kasamang Katipunero at inutusan silang maghanda sapagkat siya’y mag-aalsa na nang gabing iyon. Bandang ikalawa ng hapon siya’y nakarating sa Kawit. Dumiretso siya sa kumbento upang ipagbigay-alam sa kura ang kabiguang natamo sa kanyang misyong opisyal. Umuwi siya sandali at pagkatapos ay muling nagbalik sa tribunal kung saan nakita niya ang dalawa niyang konsehal: sina Candido Tirona at Santiago Dano. Ang balak ni Aguinaldo ay maghimagsik kinagabihan, datapuwa’t nang siya’y mabalitaan na ang mga Katipunero ng Magdiwang ay nagaklas na sa San Francisco de Malabon at sa Noveleta, minabuti niyang simulan agad, yamang tatlong guwardiyang sibil lamang ang nakatalaga sa Casa Tribunal. Sa panahong yaon ng kapana-panabik na kalagayan, ang makataong damdamin ni Aguinaldo ay lumitaw: “Huwag nating patayin ang mga guwardiya,” sabi niya. “Hingin lang natin ang kanilang mga baril ng mapayapa.”

 
….Ang balak ay pasukuin ang tatlong guwardiya sibil sa isang marangal na labanan. “Kaming dalawa ni kumpadre Candido ang bahala rito,” wika ng matapang na kapitang bayan. … “Makabubuting si Kuya Dano ay umuwi na sa Binakayan upang abisuhan ang ating mga tauhan roon at bantayan ang polbórin.” Si Aguinaldo, bagama’t katamtaman lamang ang taas, ay madaling natalo at nakuha ang mga sandata ng dalawang guwardiya sibil. Subalit si Candido Tirona ay nahirapan sa pakikipagbuno sa ikatlong guwardiya na mas malaki at isa pang sarhento. 

Ang mga cuadrillero, na sabik nang sumalakay, ay inutusan ni Aguinaldo na huwag makialam maliban na lamang kung kinakailangan. “Ibigay mo sa akin ang iyong baril,” mariing utos ni Aguinaldo sa matigas na sarhento, subalit hindi siya pinansin nito. Sa kanyang Alaala, ikinuwento ni Aguinaldo ang sumunod: “Kaya’t binigwasan ko siya sa sikmura at siya’y napaurong. Nabitiwan niya ang kanyang baril at sinunggaban siya ng aking mga cuadrillero na may mga punyal at itak. Ngunit pinigil ko sila at sumigaw: ‘Huwag ninyong patayin ang taong ito!’ Sa kasamaang-palad, isa sa mga cuadrillero ay hindi nakinig sa aking utos at tinaga siya sa tapat ng tainga.” Nagtamo ng malaking sugat ang guwardiya sibil, ngunit tiniyak sa kanya ni Aguinaldo na hindi siya mamamatay. “Kung hindi ko pinigil ang kamay ng cuadrillerong iyon, ay patay ka na sana ngayon din,” aniya. Agad na ipinatawag ng kapitang bayan ang isang manggagamot upang gamutin ang sugatang lalaki. (Translated from Saulo, 94)

Sunday, February 16, 2020

ANG PAGTATAKSIL NG SUPREMO ANDRES BONIFACIO – Ika-3 at huling yugto

Ni Virgilio Leynes
Maraming mananalaysay na Pilipino ang sumulat ng kasaysayan ng Pilipinas na halatang-halata ang pagkiling kay Bonifacio at pagalipusta naman kay Aguinaldo. Ang dahilan sila’y tinuruan o natuto ng ating kasaysayan na ipinunla ng mga Amerikano noong sapilitan nilang ituro sa ating mga ninuno ang kanilang wika, kasaysayan at kultura pagkatapos nilang magapi ang ating unang republika at tayo’y nasakop. Subali’t mayroong paisa-isang namulat sa katotohanan at binigyan ng katarungan ang pagiging tunay na bayani ni Aguinaldo. Isa rito ay si Alfredo B. Saulo na humimay ng buhay ni Aguinaldo sa kanyang aklat sa wikang Ingles na pinamagatang, “Emilio Aguinaldo – President of the First Philippine Republic, First Republic in Asia” (Phoenix Publishing House Inc. Quezon City, 1983). Dito ay mauunawaan ang mga pangyayaring namagitan kay Aguinaldo at Bonifacio na siyang naging dahilan ng pagkariwara ng Supremo.
Para sa mga Pilipino sa panahon natin ngayon, hindi malinaw ang naging buhay at ambag ni Emilio Aguinaldo sa ating pagkabansa. Hindi nabigyan ng halaga na sa kanyang pamumuno nagkaroon tayo ng sariling watawat at pambansang awit. Ang dalawang bagay na ito, huwag nang isama pa ang ibang mahahalagang ambag ni Aguinaldo, ay hindi hulog ng langit kundi nakamit sa larangan ng pakikipaglaban sa mga dayuhang mananakop na pinagbuwisan ng napakaraming buhay ng di na nakilala ngunit dakilang mga bayani ng lahi. At sa halip ang nangingibabaw ngayon ay mga walang katotohanang bintang kay Aguinaldo na ipinunla ng Kastila at Amerikano na ang hangarin ay sirain ang pagkakaisa ng ating mga ninuno upang humina at magapi ang kanilang pagtutol at paglaban at mamayani ang kanilang kagustuhan.
Malaki ang nagawa sa pagsira ng pangalan ni Aguinaldo ang aklat ni Mabini (“Revolucion Filipina”) na naglalaman ng mga bintang kay Aguinaldo na naisalaysay naman sa kanya ni Ricarte noong sila’y tapon sa Guam. Sinakyan ito ng panig ni Manuel L. Quezon noong halalan ng 1935 at ginamit nilang panira at propaganda na siyang naging dahilan ng malaking pagkatalo ni Aguinaldo. At ngayon, patuloy at dinagdagan pa ng mga bintang na sinungkit sa mga pangyayari noong panahon ng Hapon. At ang nangunguna ngayon sa pagbatikos kay Aguinaldo ay ang mga nasa hanay ng lipunan na nagsusulong ng simulaing “masa laban elitista”, si Bonifacio ang masa, at si Aguinaldo ang elitista. Para bagang pinagsasabung ang dalawang bayani at pinapupusta ang bansa, ngunit hindi maikakaila na sa kanila’y si Bonifacio ang nagwagi sa tupada, kung baga sa sabung. Hindi dapat ganito ang mangyari dahil pareho silang bayani. Si Bonifacio ay bayani hindi dahil siya ang nagsimula ang himagsikan dahil marami nang nakagawa nito tulad ni Francisco Dagohoy at Diego Silang. Ang tunay na kabayanihan ni Supremo Bonifacio ay nakasalalay sa nagawa niyang malawakang pagpukaw sa damdaming makabayan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng kanyang pagtuturo ng tunay na pagmamahal sa bayang tinubuan at Poong Maykapal, na siyang nagbigay buhay at lakas sa pagsulong at pagtataguyod sa inaasamasam na kalayaan at kasarinlan ng ating lahi. Si Aguinaldo naman ang nagpatunloy ng sinimulan ni Bonifacio; naibagsak niya ang kapangyarihan ng mga Kastila, naihayag ang Kalayaan, itinayo ang unang republika, at ipinagtanggol ang republikang ito laban sa mananakop na mga Amerikano. Sa ginagawang pagbabangaan ng dalawang bayani ay nawawala ang tunay na mensahe ng kasaysayan - na ang mga ninuno natin ay natutong magmahal sa bayan, nagkaisa at nagpakita ng kakayahang magsarili at pangalagaan ang kanilang kinabukasan. Sa halip ang dumadaloy na pangkalahatang pagunawa sa kasaysayan ay pagkakahati-hati at pakakahiwahiwalay at natatakpan tuloy ang mga katampalasang inihasik ng mga dayuhang mananakop sa kamalayan ng ating mamamayan, lalo na ang mga kabataan.


Sa nakaraang una at ikalawang yugto na nalimbag dito sa “Facebook”, binanggit ang mga hakbang ni Bonifacio na naging mitsa ng kanyang malagim na hantungan:
UNA, ang tatlong ulit na pagtutol niya sa mga mungkahi ni Aguinaldo na pagisahin ang hukbo ng Magdiwang at Magdalo upang mapalakas ang pagharap sa lumulusob na mga Kastila;
IKALAWA, ang “Acta de Tejeros” o ang hindi niya pagayon sa kinalabasan ng halalan sa Tejeros;
IKATLO, ang utos niyang harangin at pigilin ang mga pulutong na kawal Magdiwang na sana’y handang dumamay sa mga Magdalo upang ipagtatanggol ang Pasong Santol na nilulusub ng kaaway;
IKAAPAT, ang “Acta de Naic”, o ang hayagang paglaban sa pamahalaang himagsikan sa pamamagitan ng pagtatayo niya ng hiwalay na hukbo at sariling pamahalaan;
IKALIMA, ang paglusob ng kanyang mga tauhan sa bayan ng Indang upang sumamsam ng pagkain at mga pangangailangan ayon sa sumbong ng punongbayan si Serverino de las Alas na may kasabay na bantang susunugin niya (ni Bonifacio) ang kumbento at simbahan ng bayan;
IKAANIM, ang pagtanggi niya sa alok ni Aguinaldo na kalimutan ang nakaraan at bumalik siya sa Naik at muling makiisa sa paglaban sa mga kaaway; at,
IKAPITO, ang pakikipaglaban ng kapatid niyang si Ciriaco sa mga kawal pamahalaan na sinugo upang sila ay hulihin.
Ang magkapatid na Bonifacio ay hinuli at isinailalim sa isang paglilitis. Sa bisa ng kautusan ni Aguinaldo, isang Kapulungang Digma (“Council of War”) ang binuo upang magsiyasat sa mga pangyayari at itagubilin ang mga napagalaman sa napagutusang Hukom ng Hukbo na siyang maglalabas ng kinakailangang pasya o hatol.
Narito ang ikatlong at huling yugto na isinatagalog ng mayakda mula sa wikang Ingles na gamit ni Saulo sa kanyang aklat:
“Upang masimulan ang pagsusuri na walang abala, hinirang ni Aguinaldo si Koronel Jose Lipana na Hukom at si Koronel Jose Elises na Piskal. Nagsimula agad ang pagsisiyasat nang dumating si Bonifacio noong Abril 29. Dalawang saksi, sina Procopio Bonifacio at Benito Torres ang unang nagpatotoo. Kinabukasan sampu pang saksi ang nagpahayag: sina Rafael Non, Narciso Tiolo, at Domingo San Juan, lahat taga Maynila; si Domingo Denlaso at Gervasio Santiago ng Malabon at Pasig, lalawigan ng Rizal; sina Bibiano Rojas, Pedro Giron, at Nicolas de Guzman ng Guiguinto, Baliwag, at Bulakan, lalawigan ng Bulakan; sina Julian Aguila ng San Jose, lalawigan ng Batangas; at Cayetano Lopez ng Magalang, lalawigan ng Pampanga.
“Nang ikatlong araw, Mayo 1, ang pagsisiyasat ay inilipat sa Maragondon, labingdalawang kilometro mula sa Naik, dahil ang bagong gobernador at Kapitan Heneral ng mga Kastila, si Fernando Primo de Rivera, Markis ng Estela, na napagaralan ang paglusob sa Cavite, ay nakahandang magpadala ng tatlong brigada sa pamumuno ni Heneral Suero, Castilla at Pastor (Gallegos, 59) Ayon kay Aguinaldo mainit na ang labanan malapit sa ilog ng Timalan, mga apat na kilometro sa labas ng población ng Naik.
“Dito, sa isang nakaraang labanan, ipakita nina Koronel Modesto Ritual at Koronel Lucas Camerino ang kanilang katapangan nang paurungin nila ang mga kaaway na nagiwan ng maraming patay at gamit digma. Marami sa napatay na kaaway ay inagos ng malakas na daloy ng ilog dahil mataas ang tubig noon. Nakasamsam ang mga Pilipino ng isandaang baril na “Mauser” at “Remington” , bala at pagkain.
“Si Aguinaldo na siyang namuno sa labanan, ay nagsabing dapat sana ay nahuli nila ang mga natitirang sundalo ng batalyon no. 14 ng mga Kastila kung hindi sana iniwan nina Bonifacio at Ricarte ang labanan kasama ang kanilang kabig. Nalaman ni Aguinaldo na hindi pala tutuong nagpunta sina Ricarte sa Batangas upang sumaklolo doon kundi sila pala ay nagtago sa gubat ng Kaytitingga, Alfonso, lalawigan ng Cavite. (Aguinaldo,216-217)
“Ang isang bagay na di binibigyang pansin ng mga mananalaysay ay ang nakaatang na tungkulin kay Aguinaldo sa huling yugto ng himagsikan sa Cavite. Bilang pangulo ng pamahalaang himagsikan sinusubaybayin niya ang paglilitis kay Bonifacio habang pinangugunahan din niya ang pamumuno sa lakas ng mga Pilipino upang pigilin ang paglusob ng mga Kastila. Samakatwid, siya ay puno ng pamahalaan at siya rin ay punong heneral na hukbo
“Pagkatapos na mailipat ang tanggapan at mga gamit ng pamahalaan sa Maragondon noong gabi ng Mayo 1, nagpaiwan sina Aguinaldo at ang hukbong manghihimagsik sa Naik upang salubungin ang mga kaaway. Gapi ang mga nagtatanggol na mga Pilipino dahil sa dami at lakas ng kaaway at si Aguinaldo, kasama ang kakaunting natirang kabig, ay iniwan ang Naik pati na ang daan-daang patay sa bakuran ng simbahan malapit sa bahay asyenda ng Recoletos.
“Ang pagtatanggol sa Naik na siyang huling tanggulan ng mga manghihimagsik, ay isa sa mga makasaysayang pangyayari ng digmaan. Nagsimula ang labanan sa panganganyon ng kaaway sa iba’t-ibang lugar na bayan, at maraming bala ng kanyon na hindi pumutok ang napulot ng mga manghihimagsik. Narito ang salaysay ni Aguinaldo sa pangyayari:
“Ang malakas ng panganganyon ng kaaway ay sinundan ng paglusob nila sa lahat ng sulok ng bayan. Sinalakay kami mula sa hilaga, sa timog, at kung saan-saang lugar ng bayan. Maraming nalagas sa amin sa unang sagupaan at ang ilan sa mga nakaligtas na sugatan ay humimpil sa mga kublihang-hukay (“trenches”). At ang natitirang isang pulutong na kawal ay ginamit na kublihan ang mga pader ng balkon ng kumbento. At sinabi ko sa mga natitirang kawal na sa maliit na bakuran na ito hindi na tayo uurong. Sumigaw ako sabay sa malalakas na mga putok, “Mamatay na tayo lahat dito”, and sila naman ay sumagot ng, “Opo.” Isang kasunduang kamatayan ng mga magkakapwa kawal. At kahit mahusay na mamaril ang mga kawal [patuloy ni Aguinaldo] dahil nakikita ko kung paano nila patumbahin ang kaaway na parang mga barahang bumabagsak sa bugso ng hangin, kami ay nalalagasan ng marami kahit matibay ang aming kublihan. Pumasok sa aking isipan na ito na ang aking katapusan kaya hinalikan ko ang aking ripleng “Winchester” bilang pasasalamat at pagpapaalam.” (Aguinaldo, 218)
“At habang pinaaalalahanan ni Aguinaldo ang ilan niyang natitirang mga kawal na sumipat na maigi upang hindi maaksaya ang bala, isang malaking lalaki ang humila sa kanya sa balikat at ang sabi, “Halina po kayo, hindi tayo makapagpapatuloy sa paglaban dahilan sa malakas ng kaaway. Dumadami pa ang lumulusob na kalaban.”
“Nakilala ni Aguinaldo ang lalaki na si Koronel Mariano Diego de Dios, ang batang kapatid ng kalihim ng digma na si Heneral Emiliano Riego de Dios.
“Ang matapang na koronel ay muling nagsalita: “Halina po kayo, kailangan pa kayo ng bayan.”
“Tumakbo sila sa ilog ng Naik, na malapit sa simbahan, binagtas nila at nawala sila sa makapal na kahuyan sa kabilang pampang.
“Samantala, ang nangunguna sa batalyong infanteria no. 73 ay naguunahang makaakyat sa tuktok ng simbahan upang itayo ang watawat ng Kastila, at habang umaalingawngaw ang mga batingaw ay nagsisigawan sila ng “Viva Espana! Viva Espana!”
“Kung sinundan kami ng kaaway,” ang sulat ni Aguinaldo, “nahuli na sana ako at naikulong sa malaking hawulang bakal na inihanda para sa akin upang mailantad ako sa Luneta bilang isang bihag.” (Aguinaldo, 220)
“Dumating si Aguinaldo sa Maragondon kasunod ang isang libong mga tao mula sa karatig bayan na natutuwang makitang siya’y buhay, sa kabila ng balitang siya ay napatay sa Naik. Ito ang pangalawang balita na siya daw ay napatay sa labanan, ang una ay noong nagpatay-patayan siya sa Bacoor habang dumadaan ang nangangabayong alalay ni Heneral Ernesto de Aguirre. Kung nahuli siya ni Aguirre noon, tapos na sana ang himagsikan.
“Ang pagsisiyasat sa mga sumbong kay Bonifacio na itinigil dahil sa paglipat ng tanggapan ng pamahalaan sa Naik ay ipinagpatuloy sa munisipyo ng Maragondon noong Mayo 4 at dito binigyan ng pagkakataon magpahayag si Bonifacio at kanyang asawang si Gregoria de Jesus. At pagkatapos nito ay ipinadala ng Hukom na si Lipana ang kasulatan ng mga pangyayari sa Kapulungang Digma na binubuo nina Heneral Noriel, na siyang pangulo; Koronel Tomas Mascardo, (bago pa siya naitaas ng rangko); Koronel Mariano Riego de Dios, ang malaking lalaking opisyal na nagligtas kay Aguinaldo sa Naik, Koronel Crisostomo Riel, Koronel Esteban Ynfante, Sulpicio Anthony, at Placido Martinez.
“Ang paglilitis kay Bonifacio at kanyang kapatid na si Procopio ay ginawa noong Mayo 5 at si Placido Martinez ang humarap na manananggol para kay Bonifacio, si Teodoro Gonzales naman para kay Procopio. Ang mga iniharap na sumbong ay: (1) Kataksilan o pagsasabwatang ibagsak ang pamahalaang himagsikan; (2) napintong pagpatay kay Pangulong Aguinaldo; (3) Panunuhol sa mga kawal upang sila’y sumapi sa pagaalsa. Pinakinggan ng Kapulungang Digma ang pakiusap ng manananggol at binigyan din si Bonifacio ng pagkakataong makapagsalita. Pagkatapos matalakay ang mga katibayan napatunayang nagkasala ang magkapatid noong Mayo 6 at hiniling ng Kapulungang Digma na ipataw ang parusang kamatayan.
“Nang araw ding iyon ipinadala ng Kapulungang Digma ang kinalabasan ng paglilitis kay Pangulong Aguinaldo, at ito nama’y isinangguni sa Hukom ng Hukbo na si Heneral Baldomero Aguinaldo upang mapagaralan. Itinagubilin naman ng Hukom kay Aguinaldo na sundin ang hatol.
“Sa isa pang pagkakataon kahit walang kinausap o napagtanungan ipinakita ni Aguinaldo ang kanyang pagiging makatao nang kanyang ibaba ang hatol na kamatayan at gawin na lamang na parusang tapon. Ang kanyang utos ng pagbababa ng hatol ay ginawa noong Mayo 8, na nagsasaad ng ganito: “Dahilan sa kasalukuyang kalagayan ng bayan at sapagkat ang mga nahatulan ay tunay na mga anak ng bayan, at alingsunod sa patakaran ng pamahalaan na huwag magbuhos ng dugo kung hindi kailangan . . . Aking pinatatawad si Andres Bonifacio at si Procopio Bonifacio sa hatol na kamatayan at sa halip ay ipatapon na lamang sa malayong lugar, kung saan sila ay ipipiit, babantayan, at hindi papayagang sila’y magkausap o kausapin ng sino man.”
“Ang mga kasamahan ni Bonifacio na mga kawal ay pinatawan ng parusang isantaong paglilingkod bilang alila sa himpilan ng hukbo. (Palma-Bonifacio, 58)
“Maalaala ng bago pa man nagsimula ang paglilitis nagutos si Aguinaldo na maging mapagbigay at mapagunawa sa mga nililitis ding mga kawal dahil sila’y sumunod lamang sa utos ng nakatataas. (Aguinaldo, 215)
“Ang tugon sa pagbababa ni Aguinaldo ng hatol ay mabilis. Sa loob lamang ng dalawang oras, ayon sa isang mananalaysay, (Qurino, 41) biglang nagsidatingan sina Heneral Pio del Pilar at Mariano Noriel sa Panguluhang himpilan at hiningi kay Aguinaldo na bawiin ang utos. “Ang himagsikan ay malalagay sa panganib kung papayagang mabuhay si Bonifacio.”, ang sabi ng dalawa, at dagdag pa ni Noriel: “Hindi natin magagawang magkahiwa-hiwalay sa katayuan natin ngayon”; si Del Pilar ang nakapagbigay ng tamang pangungusap. Sabi niya: “Sa katunayan po, kayo o siya!”
“Pilit ding ipinababawi ang utos ni Aguinaldo ng pagbaba ng hatol ang mga kumakatawan sa mga alsa balutan tulad ng mananalaysay na si Clemente Jose Zulueta at Dr. Anastacio Francisco ng Maynila, at Heneral Mamerto Natividad ng Nueva Ecija. Kaya sa bandang huli, napilitang si Aguinaldo na bawiin ito ngunit sa salita lamang at hindi niya ito naisulat. Ang pangulo ng Kapulungan Digma na si Heneral Mariano Noriel ay agad namang kumilos at inutusan ang isang pulutong ng kawal sa pamumumo ni Komandante Lazaro Makapagal at noong Mayo 10 ay dinala ang magkapatid sa bundok ng Hulog (hindi sa bundok ng Buntis ayon sa dalawang kasapi ng Maragondon Historical Society) na may layong apat na kilometro sa población ng Maragondon, at doon sila ay binaril.
“Tulad ng huling nabanggit, ibinaba ni Aguinaldo ang hatol ng wala siyang hiningan ng payo; binaligtad niya ang tagubilin ng kanyang pinsang Hukom na si Baldomero Aguinaldo at sinunod niya ang kanyang sariling kamalayan bilang isang Kristiyano at Katoliko na mataas ang paggalang sa buhay at karangalan ng tao. Maaring pumasok sa isipan na ang pagbababa ni Aguinaldo ng hatol kamatayan ay unang hakbang tungo sa tunay niyang balak na patawarin ng tuluyan ang magkapatid na Bonifacio dahil sila ay “tunay na mga anak ng bayan.”
“Hindi maipagkakaila na ang parusang tapon ay panandalian lamang dahilan sa kasalukuyang kalagayan na ang kapalaran ng mga manghihimagsik ay nakataya. Paano kung si Aguinaldo ay mahuli o mapatay ng kaaway? Sa pagpili ni Aguinaldo ng parusang tapon, masasaisip ang tunay niyang ugali bilang isang taong makadiyos, na naniniwala na ang buhay ng tao ay banal at wala sa kamay ninuman na ipariwara.
“At ang pagbawi niya ng pagbababa ng hatol ay hindi rin sumasalungat sa kanyang matibay na paninindigan dahil ang talagang balak niya ay “palamigin muna ang mainit na damdamin ng kanyang mga tauhan.” (Aguinaldo and Pacis, 25) Sa kasawiang palad hindi naipatupad ni Aguinaldo ang kanyang tunay na balak dahil inakala ni Noriel na ang pagbawi ng pagbababa ng hatol ay hudyat na ituloy ang hatol kamatayan ng Kapulungang Digma. Kung sabagay tama si Noriel sa kanyang pagkakaintindi, ngunit sa ganang kay Aguinaldo, dapat sana naghintay muna si Noriel ng nakasulat na utos na ituloy ang hatol kamatayan dahil inaasahan ni Aguinaldo na sa ilang mga sandali bago ipatupad ang hatol ay maaring magbago na at manlamig ang kanyang mga kasamahan at tuluyang patawarin ang magkapatid na Bonifacio.
“Sinisi ni Aguinaldo si Noriel sa kanyang mabilis na kilos, ngunit sa tingin naman ni Noriel wala na siyang ibang magagawa dahil ang mga Kastila ay nakapagpahinga na pagkatapos makuha nila ang Naik, ay nakahanda nang lusubin ang Maragondon noong umaga ng Mayo 10, at “kinakabahan siya na maaring mailigtas ng kaaway sina Bonifacio o kaya sila’y bihagin.”
“May isa pang tabas ang sakunang nangyari kay Bonifacio. “Kahit na nanghihinayang ako sa pagkawala ni Bonifacio,” sulat ni Aguinaldo, “Hindi ako dapat magpakita ng kahinaan. Ang panahon at pangyayari ay humihingi ng katatagan at katigasan kahit mabigat sa aking puso. Sa kanyang pagkamatay naiwan akong tanging puno ng himagsikan, kaakibat ang mabigat na pananagutan at pagpapakasakit ng tungkulin. Hindi ko maayos ang pinsala sa pagkakaisa na nagawa ni Bonifacio sa pamamagitan ang isa pagkakahiwa-hiwalay na idudulot ng magkakasalungat na pagunawa sa kanyang kaparusahan.” (Aguinaldo, 26)
“Ayon sa magtatalambuhay ni Bonifacio na si Teodoro A. Agoncillo ang pagkakana ng Kapulungang Digma ay isang pagkukunwari, at ang mga kalahok sa paghuhukom ay hindi na dapat nagaksaya ng panahon sa isang libak ng paglilitis kung si Bonifacio sana ay binaril na lamang dahil ang Kasunduang Militar ng Naik ay malinaw na patunay ng pagkakasalang kataksilan ni Bonifacio. Dagdag pa niya, dahil walang malakas na katibayang na inihain sa paglilitis sa mga bintang dapat sana ay mas magaang na parusa ang ipinataw. (Agoncillo, 301-302)
“Ang nasirang dalubhasang propesor na si Nicolas Zafra, dating guro ni Agoncillo, ay hindi naman umaayon na ang paglilitis daw kay Bonifacio ay pagkukunwari at paglalapastangan ng katarungan. Mariing pinuna ni Zafra si Agoncillo sa di niya pagayon sa sinabi ni Teodoro M. Kalaw na “si Bonifacio at kanyang mga kabig ay kusang sumailalim sa kapangyarihan ng Kapulungang Digma at hindi naman sila tumutol,” nagpapakita na “ang Kapulungang Digma ay makatarungan at sila’y umasa sa isang patas na paglilitis.”
“Ayon kay Zafra ayaw tanggapin ni Agoncillo itong pananaw ni Kalaw. Sa halip sinabi ni Agoncillo na si Bonifacio daw ay hindi makatatanggi, dahil siya ay isang bihag na may sugat. Sa ganitong kalagayan [ayon kay Agoncillo] paano makakaiwas si Bonifacio at kanyang mga kabig sa pakanang ito ng pamahalaan at tutulan at di kilalanin ang kapangyarihan ng Kapulungang Digma? Ang may sugat at bihag na si Bonifacio daw ay walang magagawa. (Zafra, 507-508)
“Sa ganang kay Zafra hindi nakita ni Agoncillo ang kawastuhan ng pananaw ni Kalaw. Nang sabihin ni Kalaw na tinanggap ni Bonifacio ang kapangyarihan ng Kapulungang Digma, ang tinutukoy niya ay hindi tungkol sa lakas o kahinaan ng katawan, na maari ngang pigilin o pabayaan, kundi ang malayang kagustuhan ng isip na hindi maaring pigilan ng anumang lakas ng katawan. Mayroon si Bonifacio ng ganyang kalayaan ng pagiisip na dapat sana ay kanyang ginamit upang maipahiwatig niya ang kanyang pagtanggi sa saligang batas at kapangyarihan ng Kapulungang Digma kung kanya lamang ginusto. (Aguinaldo and Pacis, 26)
“Ang mga katunayan [ayon kay Teodoro M. Kalaw, mananalaysay at dating director ng pambansang aklatan at museo] ay umaayon sa pananaw ni Aguinaldo, “Dapat mapanatili ang pagkakaisa . . . lahat ng di ayon ay dapat harapin ng kamay na bakal.” Sa kabilang dako, si Maximo, ang mas nakababatang Kalaw na dating dekano ng pambansang Pamantasan at kilalang dalubhasa sa politika, ay nagsabing ang paglilitis kay Bonifacio ay makatwiran at makatarungan sa loob ng kaganapan ng panahon na iyon.
“Ang mga manghihimagsik [paliwanag ni Maximo] ay di dapat magkahiwa-hiwalay. Isa lamang ang maaring tunguhin: ituloy ni Bonifacio ang Katipunan o itulak ni Aguinaldo ang bagong pamahalaang himagsikan na tanggap na ng karamihan . . . at napilitang tabigin sa isang tabi si Bonifacio ng pamahalaang himagsikan. (Aguinaldo and Pacis, 26)
“Isa pang dalubhasang Pilipino, si Epifanio de los Santos, tulad ni T. M. Kalaw, dating director ng pambansang aklatan at museo, ay naniniwala na ang hatol kay Bonifacio ay hindi lamang makatarungan kundi natataon dahil sa balak ni Bonifacio na mamuno sa isang paglaban sa himagsikan; sa banta ng kaaway na kasalukuyang winawalis ang Cavite ng tingga at bakal; sa udyok ng mga kasamahan, tulad ni Clemente J. Zulueta at Feliciano Jocson; at higit sa lahat , dahilan sa malawakang takot ng madla.
“Lahat ng bagay na binanggit na dahilan ni De los Santos, ayon naman sa manalaysay na si propesor Leandro H. Fernandez, “ay walang dudang nagtulak kay Bonifacio sa kamatayan, ngunit mahirap turingan kung alin ang nangingibabaw. (Fernandez, 30-31)
“Nakakagulat din na ang tanging sumalungat sa halos lahatang pagayon sa parusa kay Bonifacio ay galing kay Apolinario Mabini, ang “nino bonito” ni Aguinaldo. Sinisi niya si Aguinaldo sa pagkamatay ng supremo ng Katipunan, at tinukoy niya itong isang sinadyang-pagpatay (“assassination”) . . . At sa walang pakundangang pananalita, sinabi niyang ang pagkamatay ni Bonifacio ay nagpapakitang si Aguinaldo ay gahaman at sakim sa kapangyarihan.(Mabini, 48; 62-63)
“Unang-una, hindi dapat paniwalaan si Mabini tungkol sa mga pangyayari sa unang yugto ng himagsikan. Tulad ng maraming ilustrado at mason ng panahon na iyon, hinuli si Mabini noong Oktobre 1896, pagkatapos na matuklasan ang Katipunan, ngunit dahil sa sakit niyang pagkalumpo na dumapo sa kanya noong Enero ng taong iyon, siya ay inilagak na lamang sa pagamutan ng San Juan de Dios hanggang sa mapalaya siya noong Hunyo 1897 sa bisa ng kapatawarang ipinairal ng bagong Gobernador Heneral at Kapitan Heneral na si Fernando Primo de rivera noong Mayo 17, na sumabay sa kapanangakan ng batang haring Alfonso XIII ng Espanya. Sa katunayan, si Mabini ay hindi nasangkot sa himagsikan dahil, tulad ni Rizal, sa puso niya ay pagbabago ang kailangan (“Reformist”). Oo nga siya ay nakasama ni Bonifacio sa Liga Filipina na itinayo ni Rizal. Nang ipinatapon si Rizal sa Dapitan, ang Liga ay nagpatuloy pa rin, “Salamat kay Andres Bonifacio at mga iba pa,” na nagtayo ng mga sanggunian sa Tondo, Sta. Cruz, Ermita, Malate, Sampaloc, Pandacan at iba pang lugar,” (Mabini, 41) at utang din kay Bonifacio na naging Kailihim si Mabini ng Kataastaasang Sanggunian ng Liga. (De los Santos, 142-143).
“Sa dahilang hindi umuusad ang Liga sa paghingi ng mga pagbabago sa mga may kapangyarihan, napagkayarian itigil na ito, at iyong mga sangayon na ipagpatuloy ang paglalathala ng La Solidaridad sa Madrid ay nagtayo ng tinatawag na Cuerpo de Compromisarios, at sila’y nangakong magbibigay ng limang pisong buwanang ambag para sa diaryo. Sumapi si Mabini sa mga compromisarios, kaya binansagan siya ng mga kasamahan ni Bonifacio na “nanlalamig na Makabayan”. Sa kabilang dako, si Bonifacio, buo ang paniwala ng walang kahihinatnan ang mahinahong paraan ay nagtayo ng lihim na kilusang Katipunan na ang adhikain ay hindi na pagbabago kundi Kalayaan; at sa loob lamang ng isang taon ay kumalat ang kilusan sa buong Maynila at sumanga sa Cavite at Bulacan. (Mabini, 43) Naging tagahanga ni Bonifacio si Mabini kahit noong nagkasira si Aguinaldo at Bonifacio na ikinamatay ng huli, na mapupuna sa mabuting pagkilatis niya kay Don Andres Bonifacio na nababahiran ng mabangong pagtingin ng utang na loob. (De los Santos, 142-143) Hindi ito nakapagtataka dahil si Mabini ay lihim na tagapayo ni Bonifacio. (Crisostomo, Isabelo T. “Bonifacio’s Secret Adviser,” Philippines Free Press, November 30, 1968)
“Nasa pagamutan pa si Mabini nang binaril ang magkapatid na Bonifacio noong Mayo 10, 1897. Samakatwid, anumang nalalaman ni Mabini tungkol sa malagim na sinapit ni Bonifacio ay salaysay lamang sa kanya ng ibang tao. At saan ba kaya nakuha ni Mabini ang kanyang napagalaman?
“Noon lamang Hunyo 12, 1898, ang araw ng pagpapahayag ng Kalayaan ng Pilipinas sa Kawit ay siya ring araw ng pagsali ni Mabini sa himagsikan. Sa pamamagitan ng pakisuyo ng kanyang kalalawigang si Felipe Agoncillo, ang unang Sugong Panglabas (“Diplomat”), si Mabini ay hinirang na pangsariling kalihim ni Aguinaldo, (De Ocampo, 78) isang katungkulang hinawakan niya hanggang Enero 2, 1899, bago siya ginawang punong ministro at pansamantalang kalihim panlabas. Nagsilbi si Mabini sa katungkulang ito hanggang pinalitan siya ni Pedro Paterno na nagtayo ng kanyang gabinete. Ang Batanguenong katiwala ng pamahalaang (Mabini) ay nanahimik na nang siya ay mahuli ng mga Amerikano sa Cuyapo, Nueva Ecija, noong Diyembre 10, pinalaya noong Septyembre 23, 1900, at muling hinuli at ipinatapon sa Guam noong Enero 1901, kasama ang limampu’t anim na bayani, kabilang si Ricarte. Si Mabini at Ricarte na parehong tauhan ni Bonifacio ay nagtiis sa kanilang pagkakatapon ng dalawang taon hanggang Pebrero 1903, nang sila ay ibalik sa PIlipinas. Doon sa Guam sinulat ni Mabini ang mapagpunang aklat tungkol sa himagsikan, na singkad ang pintas laban kay Aguinaldo, na galing lamang naman sa kanyang mga alaala, at walang pinagkunang tandaan o patunay.
“Makikita sa mga talaan na si Mabini, bago pa siya napatapon sa Guam, ay hindi nagpahayag ng anumang pintas kay Aguinaldo, ang taong umakay sa kanya sa kasikatan – isang 32-taong gulang na manananggol na lumpo na nahaharap sa matagalang pagupo sa panglumpong upuan hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay – nagbigay sa kanya ng mataas na katungkulan at karangalan na maari di namang ibigay ni Aguinaldo sa mga magagaling ding mambabatas tulad ni Felipe Buencamino, Sr., na noong siya ay 23 taong gulang pa lamang ay hinuli ng mga Kastila dahil namuno siya sa Pamantasan ng Santo Tomas sa isang hayagang pagtutol na wari’y isang kiluasang may adhikaing humiwalay; (De la Costa, 220) si Ambrosio Rianzares Bautista, ang sumulat ng Pagpapahayag ng Kalayaan ng Pilipinas; at si Felipe Calderon, ang namahala sa pagbuo ng Saligang Batas ng Malolos.
“Sa isang sulat sa kanyang kaibigan, binanggit niyang si Aguinaldo ang “tagapagligtas ng bansa” (Taylor, 4:82-89). Si Mabini rin ang lihim na nagutos na likumin at sunugin ang sulat-pagbibitiw ni Aguinaldo noong Pasko ng 1898 na tanggapin ng mga mamayang Pilipino ang kanyang pagbaba bilang pangulo ng republika. (Taylor, 3:419-424) Alam ni Mabini na kung wala si Aguinaldo ang buong pamahalaang himagsikan ay babagsak, dahil wala ni isa sa mga punong Pilipino dito o sa mga nangingibang bansa man ang may katangian, pamumuno, karanasan at kakayahan. At sa isa ding sulat, pinuri ni Mabini ang karunungang pulitika ni Aguinaldo sa pagtanggap niya ng pagbibitiw ng gabinete ni Mabini noong Mayo 17, 1899 “dahil sa kagustuhan ni Aguinaldo na maihanap ng lunas ang mga suliraning bumabagabag sa ating kaawaawang bansa”(Letters of Mabini, 176) Sa ngalan ng kanyang nagbitiw na gabinete ipinangako ni Mabini ang “kanilang katapatan at kanilang kakaunting lakas na nakalaan para sa lahat ng makabubuti sa kapakanan ng ating bayan.” (Letters of Mabini, 176)
“Naging mabuti ang tinginan ni Aguinaldo at Mabini kahit umalis na sa katungkulan sa pamahalaan si Mabini. Sa katunayan, nilakad ni Aguinaldo na mahirang si Mabini bilang Punong Hukom ng Republika noong Hunyo 23, 1899. Inamin mismo ni Mabini na matibay ang kagustuhan ni Aguinaldo na si Mabini ang malagay sa tungkulin kahit malakas din ang pagsalungat ng gabinete ni Paterno at ni Ambrosio Rianzares Bautista na siyang pangulo ng Lupon ng mga kinatawan. (Mabini to Kanoy, 201)
“Ang pagbabago ng pagtingin ni Mabini kay Aguinaldo ay nangyari nang makasalamuha niya si Ricarte nang ang dalawa ay tapon sa Guam. Maalaala na ang gunita (“memoirs”) ni Ricarte, na sinulat sa loob ng kulungan ng Bilibid, ay wala ding pinagkunang tandaan o patunay, at punong-puno ng batikos kay Aguinaldo. Ang nalalaman ni Mabini tungkol sa malagim na pangyayari kay Bonifacio ay maaring nanggaling kay Ricarte. Dapat maintindihan na ang isang magaling na manananggol tulad ni Mabini ay maari ding maging mababaw at maramdamin sukdulang mawala sa kanya ang pagiging wasto o pagtitiwala.
“Halimbawa, may sinasabi si Mabini na isang “pagsuway ni Aguinaldo sa pinuno ng Katipunan (Bonifacio) kung saan siya ay kasapi.” Paanong pagsuway? Si Bonifacio, ang Supremo ng Katipunan, at si Aguinaldo, isang kasapi, ay parehong inimungkahing mahalal sa pagka pangulo sa pulong ng Tejeros na pinamahalaan ni Bonifacio. Paano nagkasala si Aguinaldo ng pagsuway sa kanyang amo kung ang pinuno ng Katipunan at ang isang kasapi ay kapwa may karapatan sa halalan sa binalak na pamahalaang himagsikan na papalit sa Katipunan?
“Iginiit minsan ni Mabini na pagkakasundo lamang ang tanging lutas sa maselang kalagayan ng himagsikan sa Cavite. Hindi ba nagpadala ng sugo si Aguinaldo sa katauhan ni Koronel Bonzon upang hikayatin si Bonifacio na bumalik sa Naik at makiisa sa pamahalaang himagsikan sa paglaban sa mga Kastila? Ginamit ni Mabini ang katagang “sinadyang pagpatay” (“assassination”) sa halip na pagpapatupad ng hatol sa magkapatid na Bonifacio. Ang sinadyang pagpatay ay isang pagkakasala, samantalang ang pagpapatupad ng hatol ay hindi dahil naaayon ito sa batas. Ang magkapatid na Bonifacio ay binaril sa bisa ng hatol ng Kapulungang Digma. At isa pa, tinawag ni Mabini na kasalanan ang pagpatay kay Bonifacio dahil ito daw ay hindi idinaan sa maayos na pagpapatupad ng batas, na di naman kinakatigan ng kasaysayan.
“Nakapagtataka na si Mabini, naturingang isang mahusay sa batas, ay magbibintang ng walang sinasandalang katibayan at pinintasan ang dati niyang amo, kundi nga ba kaya siya ay nailigaw ng dating gurong si Ricarte (noong sila’y nasa Guam), isang guro, kung saan ang kanyang sinulat na mga gunita ay puno ng mali at kasinungalingan, at hindi magagamit sa isang maselang pagaaral ng kasaysayan.
“Si Teodoro M. Kalaw, na nakaraang binanggit, na nagsabing ang pagkamatay ni Bonifacio ay kinakailangang mangyari para sa kapakanan ng himagsikan, at maaring, dahilan ng kahalagahan nito (o “raison d’ etat”), ay nagsabing ang malagim na pangyayari ay mananatiling maitim na dahon sa kasaysayan ng himagsikan at mantsa sa karangalan ng mga nagbalak at nagpakana nito.
“Iyan ay isa sa mga pananaw. Mayroon isa pang lalong malalim na pagtingin ang ibinigay naman ni Aguinaldo nang sabihin niyang ang pamahalaang himagsikan ay pumigil kay Bonifacio na ilubog ang bayan sa isang patayan ng magkakababayan – isang krimeng ultimo - na ang ibig sabihin ay libo-libong mga buhay ng Pilipino ang papanaw, marami ay walang kasalanan; at sa pagkamatay ni Bonifacio siya ay naging mabunying apostol at bayani ng lahi.
“Isang pagpapalang hindi sinasadya.”
-WAKAS-
(Ang salaysay sa itaas ay salin ng mayakda sa Tagalog mula Ingles sa dahong 147-157 ng aklat ni Alfredo B. Saulo, “Emilio Aguinaldo: Generalissimo and President of the First Philippine Republic, the First Republic in Asia”, (Phoenix Publishing House, Inc. Quezon City, 1983)
Sources cited in Saulo’s book:
(1) Aguinaldo, Emilio, “Mga Gunita ng Himagsikan” (Memoirs of the Revolution), copyright 1964 by Cristina Aguinaldo Suntay (Manila, 1964);
(2) Aguinaldo, Emilio, and Pacis, Vicente Albano, “A Second Look at America”, (New York: Robert Spiller and Sons, Publishers, Inc., 1957)
(3) Agoncillo, Teodoro, “Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan”, (University of the Philippines Press, 1956)
(4) De La Costa, “Readings in Philippine History” (Manila, Bookmark, 1965)
(5) De Ocampo, Esteban (with collaboration of A. B. Saulo), First Filipino Diplomat: Felipe Agoncillo, 1859-1941 (Manila: National Historical Institute, 1977)
(6) Fernandez, Leandro H., “The Philippine Republic” (New York, Columbia University, 1926)
(7) Gallegos, Eduardo y Ramos, “Operaciones Practicadas Contra Los Insurgentos de Cavite, (Madrid, 1898 cited in Quirino, “The Young Aguinaldo, pp. 160-163.)
(8) Palma-Bonifacio, Virginia, “The Trial of Andres Bonifacio: The Original Documents in Tagalog Text and English Translation”, (Ateneo de Manila University Press in partnership with the National Library of the Philippines, 1963)
(9) Quirino, Carlos, “Historical Introduction, The Trial of Andres Bonifacio,” translated from the Spanish by Virginia Palma-Bonifacio (Manila: Ateneo de Manila, 1965);
(10) Quirino, Carlos, “The Young Aguinaldo: From Kawit to Biak-na-Bato”, (Aguinaldo Centennial Year, Manila, 1969)
(11) Taylor, John R.M., “The Philippine Insurrection Against the United States,” with Introduction by Renato Constantino, (Eugenio Lopez Foundation, Pasay City, 1971).
(12) Zafra, Nicolas, “’The Revolt of the Masses’: Critique of a Book, “Philippine Studies, 1956)

ANG PAGTATAKSIL NI SUPREMO ANDRES BONIFACIO – IKA-2 YUGTO

Ni Virgilio Leynes
Ayon sa nasirang dating Punong Hukom ng Kataastaasang Hukuman ng Pilipinas, si Abraham Sarmiento, na tumingin sa ginawang paglilitis kay Bonifacio, ito nga daw ay may kapintasan, ngunit hindi naman kaila na si Bonifacio ay lumaban sa pamahalaang himagsikan, at may karapatan si Pangulong Aguinaldo na gawin ang nararapat. (p. 150, Carlos Ronquillo, “Ilang Talata Tungkol sa Paghihimagsik ng Taong 1896-1897, edited by Isagani Medina, UP Press, 1996)
Ngunit marami pa rin sa mga kababayan natin ang walang kamuwang-muwang sa usaping ito. Ang dahilan ay hindi gaanong napagukulan ng pansin ng ating paaralan ang mga salaysayin tungkol sa pagdayo ni Bonifacio sa Cavite. Si Epifanio de los Santos, ang manunulat kung kanino ipanangalan ang dating Highway 54 na tinatawag na EDSA, ang siyang unang kumilatis ng usaping ito sa katha niyang “Andres Bonifacio” na nalathala sa Revista Filipina (“Philippine Review, Vol 3, no. 1”) noong Enero, 1918. Binanggit niya rito ang halalan sa Tejeros (De los Santos, 45); ang pagpapawalang bisa ni Bonifacio sa kinalabasan (ibid, 45); ang pagsalo naman ng mga taga Batangas sa pamumuno ni Santiago Rillo sa pulong pagkatapos pawalang bisa ito ni Bonifacio, at pinagtibay ng mga naiwang kinatawan ang lahat ng napagkayarian, kasama ang pagkahalal kay Aguinaldo bilang pangulo ng itinayong pamahalaang himagsikan; (ibid, 53) ang kasulatang pagtutol ni Bonifacio sa kinalabasan ng halalan dahil sa bintang na dayaang naganap (ibid, 46) at ang kasunduang militar nina Bonifacio at kapanalig na nagtayo ng hiwalay na hukbo at pamahalaan (ibid, 47). Hindi nga ginamit ni De los Santos ang mga katagang ”Acta de Tejeros” at “Acta de Naic” ngunit malinaw na ito ang kanyang mga tinutukoy. Ang dalawang matinding kilos na ito ni Bonifacio ay mababasa rin sa aklat ni Ronquillo sa pahina 92 at 104 at matutunghayan din sa aklat ni Jim Richardson na may pamagat na “The Light of Liberty” sa pahina 320 at 355.
Natalo man si Bonifacio sa halalan sa Tejeros ay siya pa rin ang Supremo ng Katipunan. Ngunit ang isang bunga ng pulong sa Tejeros ay ang pagtatayo ng bagong pamahalaang himagsikan na siyang magsusulong ng layuning makamtan ang kalayaan ng Pilipinas. Sa madaling salita naisangtabi at nawalan ng silbi ang Katipunan. Sa pamamagitan ng bagong pamahalaan, magiging isa na lamang ang magpapasya para sa Magdalo at Magdiwang hindi tulad ng dati na magkahiwalay pa ang kanilang pamumuno at pamahalaan. Ito sana ang tunguhin ng ginawang pulong noon Disyembre, 1896,sa Imus na naantala dahil sa pagdating ng mga kamaganak ni Dr. Jose Rizal na nagbalita sa ginawang pagbaril sa bayani. Nang napansin ni Bonifacio na nawawalan na siya ng papel at kapangyarihan sa pamumuno ng himagsikan hindi niya ito matanggap. Sa tulong ni Ricarte at mga Magdiwang, sinuway niya at nilabanan ang bagong pamahalaan sa pamamagitan ng pagtatayo ng hiwalay na hukbo at sariling pamahalaan.
Ang mga aklat na nalimbag sa panahon natin tulad ng kay Ronquillo (at ang “Historia dela Insurreccion Filipina en Cavite” ni Telesforo Canseco), mga manunulat na taga-Cavite at saksi sa mga pangyayari, ay hindi pa rin nakararating sa kaalaman ng mga Pilipino sa panahon ngayon dahil sa pagkukulang ng mga nangangasiwa ng ating paaralan. Isa sa mga sumibol na makabagong mananalaysay, si Alfredo B. Saulo, isa ring Caviteno, ay tumalakay din ng mga pangyayari sa pagitan ni Aguinaldo at Bonifacio sa kanyang aklat na nalimbag noong 1983 na pinamagatang, “Emilio Aguinaldo – Generalissimo and President of the First Philippine Republic, First Republic in Asia”.
Katulad ng mga binanggit na dalawang aklat sa itaas, hindi rin nabigyan ang aklat ni Saulo ng kaukulang pagpapahalaga na maisama sa pambansang araling kasaysayan. Ano nga kaya ang dahilan? Dahil ba may kabagalang kumilos ang ating mga tagapangasiwa sa pagtuturo, o baka naman dahil si Saulo ay tubong Cavite, tulad din ni Ronquillo at Canseco? Ang pagiging taga-Maynila o taga-Cavite kaya ay nagdudulot ng di matuwid na paghubog sa ating kasaysayan? Masalimuot ang mga salaysay ng Cavitenong si Saulo kaya nga dapat makarating din sa kaalaman ng ating mga kababayan. Narito ang maigsing bahagi ng aklat ni Saulo na nagpapaliwanag sa kataksilang inasal ni Bonifacio:
“Noong gabi ng Abril 19 (1897), habang si Aguinaldo ay may lagnat at nakaratay sa bahay ng mga Jocson, sa layong dalawang kilometro naman ay tinipon ni Bonifacio ang mga Magdiwang sa bahay asyenda ng mga Recoletos, malapit sa simbahan at kumbento ng Naik, at doon ay nilagdaan nila ang isang kasunduang militar, na nagtatayo ng hiwalay na hukbo na pamumunuan ni Heneral Pio del Pilar. Isa pang tauhan ni Aguinaldo, si Heneral Mariano Noriel, ay nahimok din ni Bonifacio na sumapi sa naturang kilusan. Ang humikayat sa dalawang heneral ni Aguinaldo na sumunod kay Bonifacio ay isang di umano’y walang lagdang sulat na nagsasaad na isusuko daw ni Aguinaldo ang lahat ng armas ng himagsikan sa Cavite sa pamahalaang Kastila bilang kasagutan sa alok tigil-putukan ng Huwesitang Paring si Pio Pi at Piskal Heneral Comenge, at ang pagsuko ay isasagawa sa pamamagitan ng isang sulat kay Heneral Lachambre na dadalhin ng isang Kastilang bihag na si Domingo Martinez, na nakakulong sa bahay ni Heneral Tomas Mascardo.


“. . . Paano natuklasan ni Aguinaldo ang maitim na balak nina Bonifacio at Ricarte laban sa kanya at sa pamahalaang himagsikan? Hindi mapakali noon si Aguinaldo sa bahay ni Jocson. Hindi niya maintindihan bakit walang ginagawang paghahanda sa napipintong pagsalakay ng mga kaaway sa Naik. Nahulog na sa kamay ng kaaway ang San Francisco de Malabon, kabisera ng mga Magdiwang, at susunod na ang Sta. Cruz de Malabon (ngayon ay Tanza) dahil ang walang paninindigang Punong-bayan na si Francisco Valencia ay nagutos sa mga taongbayan na magsabit ng puting bandila sa kanilang mga bintana. (Ricarte, 45) At sa pagitan ng huling bayan at ng Naik ay isang malawak na kaparangan na walang harang na makapipigil sa pagsulong ng mga kaaway.
“Naisip ni Aguinaldo na magpadala ng animnapung kawal-tagamasid sa pamumuno ni Komandante Lazaro Makapagal upang pakiramdaman ang kalagayan noong hapon ng Abril 19. Magdidilim na nang si Makapagal ay nagiisang dumating at humahangos. Siya pala at kanyang mga kawal ay inanyayahan sa himpilan ni Bonifacio sa loob ng bahay asyenda upang kumain. At nang sila’y nasa loob na ay ikinulong sila sa unang palapag ng bahay asyenda. Nakatakas si Makapagal and isinumbong kay Aguinaldo ang pangyayari. (Archutegui, 355)
“Nagalit si Aguinaldo at inutusan sina Heneral Baldomero Aguinaldo at Tomas Mascardo na magtungo sa bahay asyenda upang magsiyasat. Ang dalawang heneral ay hindi pinapasok ng mga bantay dahil kasalukuyan daw nagpupulong sa itaas sina Bonifacio at mga kabig. Sa tulong ni Komandante Jocson nakipagugnayan si Aguinaldo kay Koronel Blas Bustamante at kanyang mga tauhan na magtungo rin sa bahay asyenda at paligiran ito. At saka nagiisang pumunta si Aguinaldo sa himpilan ni Bonifacio, kasama ang kanyang tagadala ng baril na si Benito Ylapit. Dinatnan niya sina Baldomero Aguinaldo at Mascardo na naghihintay sa labas ng bakuran ng bahay asyenda.
“Sinubukan ni Aguinlado na pumasok ngunit hinarang siya ng bantay at sinabing utos ito ng Supremo.
“Kilala mo ba ako?” tanong ni Aguinaldo sa kanila.
“Opo!”, sagot ng mga bantay.
“Ako ba ay kaaway?”
“Hindi po!”
“Dagling pumasok si Aguinaldo sa bakuran na hindi pinigilan ng mga bantay. At nang paakyat na siya sa itaas ng bahay ay muli siyang hinarang ng mga bantay dito. Inulit ni Aguinaldo ang mga tanong, at pagkatapos makasagot sa kanya ay tuloy-tuloy umakyat si Aguinaldo at hindi naman siya pinigil ng mga bantay. Susunod sana ang dalawang niyang Heneral at mga kawal, ngunit inutusan sila ni Aguinaldo na manatili sa ibaba at maghintay na lamang ng hudyat ng putok ng baril.
“Nang nasa itaas na si Aguinaldo lumapit siya sa pinto at sumilip sa isang siwang. Sa kabisera ng lamesa [kwento ni Aguinaldo] ay ang Supremo at kanyang mga ministro. Ngunit siya’y nabigla nang makita niya ang paborito niyang mga heneral – sina Pio del Pilar at Mariano Noriel. At sa kabilang dulo ng lamesa ay si Heneral Artemio Ricarte, nakita rin niya sina Santiago Alvarez, Pascual Alvarez at marami pa. Ang Supremo ay mayroong sulat na binabasa . . . At nalalarawan niya sa mukha ng kanyang dalawang heneral na sila’y paniwalang-paniwala sa sinasabi ni Bonifacio. At narinig niyang nagsalita ang Supremo, “Nagtitiwala ako na ang bago nating Kapitan Heneral na si Pio del Pilar ay makapagtatayo ng isang malakas na hukbo para sa ating pamahalaan.” (Aguinaldo, 202)
“Hindi namalayan ni Aguinaldo ang paglapit sa kanya ni Procopio Bonifacio, ang batang kapatid ng Supremo. Binuksan ni Procopio ang pintuan ng silid and inihayag ang pagdating ni Aguinaldo. Lahat ng naroroon ay nabigla, ngunit ang Supremo ay nakapagsalita, “Papasukin siya.” “Magandang gabi po sa inyo!” ang magalang at malamig na wika ni Aguinaldo. Nang anyayahan ni Bonifacio si Aguinaldo na makisali sa pulong sinagot siya ng ganito, “Hindi na, salamat!” Hindi naman daw siya kailangan sa pulong, o inaasahan, kaya dagling lumabas ng silid. Nagtungo siya sa ibaba, at nang buksan ang isang pinto sumungaw sa kanya ang mga tauhan ni Komandante Makapagal na nakakulong sa loob. Inutusan ni Aguinaldo na sila’y magsilabas at gumawa ng hanay sa bakuran.
“Sa darating si Procopio at sinabing nagpipilit daw ang Supremo na makilahok si Aguinaldo sa pulong. Nagbalik si Aguinaldo at muling tinanggihan ang anyaya na makilahok sa pulong, muling nagpasalamat at saka umalis. Mahinahong pinagbubuksan ang pintuan ng iba pang mga silid ng bahay asyenda sa ibaba at pinakawalan ang mga nakabilanggong mga kawal. Habang nabubuo at lumalakas ang mga kabig ni Aguinaldo marahil nakarating ito sa kaalaman ng mga Magdiwang at pagkaraka ay isang kawal ang tumatakbong lumapit at ibinalita kay Aguinaldo na ang Supremo at lahat ng kanyang mga kapanalig ay dali-daling nagsialisan. Hinayaan naman ni Aguinaldo na dumulog ang mga kawal sa mga pagkaing naiwanan ng mga nagpulong.
“Ipinatawag ni Aguinaldo sina Heneral Noriel at Del Pilar, at dumating naman pagkaraan ng kalahating oras.
“Hindi ko akalain napahila kayo kay Don Andres,” ang pasaring ni Aguinaldo.
“Nabulag po kami sa mga di-totoong pangako,” sagot ng dalawa, “Nagkamali po kami.”
“Kung gayon, bumalik na kayo sa inyong mga kawal at gawin ninyo ang mga atas ng inyong tungkulin,” ang huling habilin ni Aguinaldo. (Agoncillo, 235)
“Dapat maintindihan na sina Heneral Del Pilar at Noriel ay nahuli sa akto (“flagrante delecto”) ng kanilang Punong-Heneral kung saan maari silang ipabaril sa salang pagtataksil. Ngunit, tulad ng isang mapagpatawad na ama – kahit na mas matanda sina Del Pilar at Noriel kay Aguinaldo – kinalimutan niya ang pangyayari. “Natutuwa ako,” sabi ni Aguinaldo sa dalawang heneral,“ at inyong napagwari na lahat ay isang pandaraya na gawa-gawa lamang ng masamang isipan upang sirain ang pagkakaisa ng hukbong himagsikan at pigilin ang paghango ng ating bayang tinubuan sa pananakop ng mga Kastila.” (Aguinaldo, 204-205)
“Si Bonifacio at Ricarte (marahil sila ang utak) ay mga pangunahing pinuno ng Magdiwang na nagsitakbo patungong Limbon, kasama ang kagalang-galang na matandang Mariano Alvarez, Jacinto Lumbreras, Severino de las Alas, Diego Mojica, at Santos Nocon. (Archutegui, 371) Nakita rin ni Aguinaldo sa pulong sina Santiago Alvarez pati kanyang tiyuhin na si Pascual Alvarez. (Aguinaldo, 201)
“Sa halip na sila’y ipahuli ni Aguinaldo sa salang kataksilan (“treason”) sila ay pinatawad – at ito ay isa sa mga hindi binabanggit ng ilang mga mananalaysay – at binigyan pa ng katungkulan sa kanyang gabinete: si Lumbreras na nagbukas ng kumbensyon sa Tejeros ay ginawang kalihim ng pamahalaan; si Mariano Alvarez na nagtayo ng Sangguniang Magdiwang at tiyuhin ng pangalawang asawa ni Bonifacio na si Gregoria de Jesus, kalihim ng fomento; si De las Alas, na nagmungkahi na gawing pangalawang pangulo si Bonfacio dangan siya’y pumangalawa sa dami ng boto, kalihim ng hustisya; at si Pascual Alvarez – pinsan ng matandang Mariano, kalihim pangloob. Lahat sila’y mga Magdiwang. Iisa lamang sa mga ministro ang Magdalo, si Baldomero Aguinaldo, hinirang na kailihim ng pananalapi.
“Isang mananalaysay (Quirino, 13) ang nagsabing binuo ni Aguinaldo ang kanyang gabinete noong Abril 17, bago sumapit ang araw ng pagkabuhay. Ang sabi naman ni Ricarte, na sumulat ng walang gamit na tandaan kundi tanging alaala lamang, ay nangyari daw ito pagkaraan ng araw ng pagkabuhay. (Ricarte, 46-47) Ang talagang tamang araw ng paghirang sa mga ministro ay nangyari pagkatapos ng kasunduang Militar ng Naik ni Bonifacio dahil ang mga Magdiwang na kusang sumapi sa pamahalaan at hinirang na ministro ay hindi na sumali sa gulo.
“. . . Nagpadala din si Aguinaldo ng sugo, sina Koronel Intong (Agapito Bonzon), Komandante Ignacio Pawa, at Komandante Felipe Topacio sa Limbon, isang nayon sa Indang, lalawigan ng Cavite, upang “makiusap sa Supremo na bumalik at makiisa kay Aguinaldo sa paglaban sa mga Kastila.” Ayon kay Intong, mukhang payag na sana ang Supremo, ngunit biglang dumating ang mainit na ulong kapatid na si Ciriaco, at mahigpit na tinanggihan ang alok ni Aguinaldo. (Archutegui, 373)
“Kung babalikan ang nakaraang dalawang linggo, Abril 7, inutos ni Aguinaldo ang pagpapalaya sa tatlong bihag na mamayang Kastila (kasama ang isang babae) bilang pasalamat kay Heneral Lachambre sa pasya niyang huwag nang sirain ang bayan ng Sta. Cruz de Malabon. Napagutusan ni Aguinaldo si Cayetano Topacio, dating kalihim ng pananalapi ng Magdalo, at si Heneral Mascardo na samahan at alalayan ang mga pinalayang Kastilang bihag patungong Sta. Cruz de Malabon upang hindi saktan ng mga galit na mga taongbayan.
“Nang malaman ni Bonifacio na pinalaya ang mga bihag na Kastila, galit na nagutos na ipahuli muli at dalhin sa kanyang himpilan sa Naik ang mga dating bihag, at sinamsam pa ang armas ng mga umalalay. Sumugod agad si Aguinaldo at hiningan si Bonifacio ng paliwanag. Ipinaalaala ni Bonifacio kay Aguinaldo ang pagsuko ng mga Magdalong sina Daniel Tirona at Juan Cailles sa mga Kastila, na ito ay kahihiyang pangyayari na lumalapastangan sa kapurihan ng himagsikan, at sinabi pang higit na dapat parusahan ang sinumang anak ng bayan (tulad ni Topacio at Mascardo) na lihim na sasapi sa kaaway.
“Sagot naman ni Aguinaldo na hindi rin siya sangayon sa pagsuko ng dalawang pinunong Magdalo, ngunit sina Topacio at Mascardo ay inutusan lamang niyang pangalagaan ang kaligtasan ng mga bihag upang hindi saktan ng mga taongbayan at wala silang balak na sumuko sa mga Kastila. “Sa ginawang pagpapalaya ng mga bihag, Don Andres,” dagdag ni Aguinaldo, “ipinakikilala natin sa mundo na ang mga Pilipino ay maginoo rin tulad ng mga Kastila.” (Quirino, 12)
“Ang dalawang haligi ng himagsikan, pagkatapos nilang magkapaliwanagan, ay nagyakapan muna bago naghiwalay, habang ang mga naroon naman ay nagsigawan ng, “Mabuhay ang Inang Bayan.”
“Subalit ang pagkakasundo ni Aguinaldo at Bonifacio ay tila balat-kayo lamang. Nang si Bonifacio kasama ang kanyang kabig ay lumisan sa bahay asyenda ng Recoletos at nagtungo sa Halang, isang nayon ng Indang, pagkatapos ng Kasunduang Militar ng Naik, naglabas siya ng isang kautusan na nagpapaalis sa tungkulin ng lahat na namumuno ng himagsikan sa lalawigan ng Cavite, maliban lang kina Diego Mojica, Santos Nocon, Artemio Ricarte, Silvestre Domingo, at ilan pa. (Agoncillo, 237)
“Marahil lumakas ang loob ni Bonifacio na ituloy ang kanyang paglaban sa pamahalaang himagsikan dahil sa ipinakitang tulong ni Heneral Miguel Malvar, pinakapuno ng panglalawigang pamahalaan ng Batangas, sa pamamagitan ng pagpapahiram ng mga armas sa Supremo, ayon kay Santiago Rillo, ang Kalihim pangloob ng naturang pamahalaan panglalawigan. (Taylor, I:299) Subalit hindi ibig sabihin, ayon sa isang mananalaysay (Agoncillo, 236) na ang panglalawigang pamahalaan ng Batangas ay kampi kay Bonifacio. Sa katunayan, si Malvar, na itinuring ni Bonifacio sa kanyang sulat kay Jacinto na mas marunong pa kaysa kay Heneral (Aguinaldo) ay sumama kay Aguinaldo sa Hong Kong pagkatapos ng kasunduang Biak-na-Bato.
“Ang isang magandang bunga ng sulat ni Rillo ay ang paglabas ng isa ding sulat sa Tagalog na walang lagda, na mukhang galing kay Aguinaldo, na nagmula sa Naik noong Abril 24, 1897. Ipinaaalam ng sulat sa panglalawigang pamahalaan ng Batangas na si Aguinaldo ay nahalal na pangulo ng pamahalaang himagsikan sa ginawang pulong sa Tejeros. Pagkatapos na paalalahanan sila tungkol sa kanilang tungkulin, “ipinagdiinan sa kanila na upang maisakatuparan ang mga layunin ng pangunahing pamahalaan kinakailangang tumulong ang lahat, at nang sa gayon sila’y pasasalamatan hindi lang ng buong bansa kundi pati ako (si Aguinaldo).” Nagtapos ang sulat kaakibat ang isang banta na “kung sakaling ipagdamot ang tulong na aking hinihingi, ito ay ituturing na isang pagtataksil sa bayan at lalapatan ng mabigat na parusa na igagawad sa lalong madaling panahon.” (Taylor, I:301)
“Sa himagsikang Pilipino, ang tanging mga hakbang na maaring pagpilian ni Bonifacio ay makiisa kaya sa pamahalaan ni Aguinaldo o humiwalay. Siya o sila lamang.
“Nang ipinadala ni Aguinaldo ang sulat niya sa panglalawigan pamahalaan ng Batangas noong Abril 24, dumating sa kanya ang isa namang sulat mula sa Pangulong-bayan ng Indang, si Severino de las Alas, dating ministro ng Magdiwang, na humihingi ng tulong dahil ang mga kawal ng Supremo ay dumagsa sa bayan at nangulimbat ng mga pagkain at pangangailangan. Nang malaman ni de las Alas ang pagsalakay ng mga kabig ni Bonifacio, agad niyang isinumbong kay Aguinaldo.
“Ang ginawang ito ng Supremo ay ikinagalit ng mga taongbayan [patuloy ni Aguinaldo] at sa payo ni Heneral Emiliano Riego de Dios, ang kalihim ng digma, inatasan niya sina Heneral Baldomero Aguinaldo at Tomas Mascardo at sina Koronel Agapito Bonzon, Ignacio Pawa at Felipe Topacio na hulihin si Bonifacio at kanyang mga kabig and dalhin sila sa Naik. Umalis ang mga inutusan kasama ang kalahating batalyon ng kawal. Kinabukasan dumating sila sa himpilang bundok ni Bonifacio sa Limbon na napapaligiran ng mga tanggulang-hukay. PInapasok si Bonzon sa loob upang makipagusap sa Supremo.
“. . . At nang sabihin ni Intong na ang utos ni Aguinaldo ay ibalik sila sa Naik, nagsalita ang Supremo ng ganito, “Ah, sabihin ninyo kay Kapitan Emilio na ipagpatawad niya ako . . . hindi ako babalik sa bayan na ayaw magbigay sa akin ng pagkain.”
“Ano,” sagot ni Bonzon, “paano kayo magugutom sa dami ng nakuha ninyong pagkain sa bayan ng Naik? Katunayan nito ay maraming pagkain ang naiwan ninyo sa bahay asyenda.”
“Hindi sinalungat si Bonifaco ang pangangatwiran ni Bonzon ngunit iginiit niya na walang pagkaing inilaan para sa mga pamilya ng mga kawal na napatay sa pagtatanggol ng San Francisco de Malabon. At kahit ano pa, pahayag ng Supremo, “Hindi ako babalik sa Naik, lalo na sa Indang.”
“Nagpaalam si Bonzon sa Supremo, ayon kay Aguinaldo, ngunit bago siya lumisan ay nagmasid-masid muna sa tanggulan ng himpilan ng Supremo. Nang makabalik sila sa Limbon pagkagaling sa pagsisiyasat ng kalagayan sa bayan ng Amadeo, at habang pinagaaralan nila ni Koronel Pawa at Topacio kung paano bibihagin ang Supremo at kanyang mga tauhan, nakita sila ni Ciriaco Bonifacio at walang pakundangang pinaputukan sila ng ripleng Mauser. Napatay ang isang sarhento at kabo at nasugatan ang tatlong kawal ng pamahaalaan. Gumanti ng putok ang mga tauhan ni Bonzon at napatay si Ciriaco at nasugatan ang Supremo, at nabihag ang mga kawal ni Bonifacio. Dinala si Bonifacio lulan sa isang duyan pabalik sa Naik noong Abril 29.
“Nang hingan ng payo ni Aguinaldo sina Heneral Riego de Dios, Baldomero Aguinaldo at Mascardo, sinabi nilang di sila payag sa balak ni Pangulong Aguinaldo na litisin si Bonifacio at kapatid na Procopio sa isang Hukumang Militar sa dalawang dahilan: (1) kasalukuyang may digmaan, at (2) halos araw-araw ang sagupaan sa kaaway kaya walang panahon para sa isang paglilitis.
“At dagdag pa ng tatlong heneral na ang magkapatid na Bonifacio ay taksil sa pamahalaang himagsikan sangayon sa mga sumusunod na katunayan: (1) panghihibo (“deception”) sa hukbo sa pamamagitan ng isang walang lagdang sulat na nagpaparatang kay Aguinaldo na may balak siyang sumuko kay Heneral Lachambre; (2) lumagda ng kasulatan na magtatayo ng kanilang sariling pamahalaan; (3) balak na pagpatay kay Aguinaldo; (4) ang pagtakas ng magkapatid na Bonifacio at ni Ricarte upang umiwas sa pananagutan bunga ng kanilang paglaban sa pamahalaan; at (5) di pagtulong sa pamahalaan sa pakikipaglaban sa mga kaaway. Ang nararapat sa mga kasalanang iyan, giit ng mga heneral, ay barilin na o lapatan agad ng parusang kamatayan na di na dadaan pa sa isang paglilitis.
“Ngunit si Aguinaldo . . . ay naghayag ng ganito. “Ako’y humihingi ng paumanhin na sumalungat sa inyong payo. Naniniwala ako na kahit na tayo ay nasa kalagayan ng isang digmaan, kinakailangang kumilos tayo ng mahinahon at makatao. Ang buhay ng isang tao, kahit sino pa siya, ay kailangang igalang. Hindi tama na barilin ang isang tao na parang hayop, lalo na’t siya ay isang kapatid. Kung ano man ang kanilang pagkakasala, sila ay may karapatang litisin muna. At kung sakali mang ang pangkaraniwang batas ay hindi umiiral habang may digmaan, tutuo rin naman na may sinusunod pa ring batas sa panahon ng digmaan. Nariyan ang batas militar upang magbigay ng hustisya.”(Aguinaldo, 215)”
(Salin sa Tagalog mula Ingles sa dahong 141-147 ng aklat ni Alfredo B. Saulo, “Emilio Aguinaldo, Generalissimo and President of the First Philippine Republic – First Republic in Asia,” (Phoenix Publishing House, Inc., Quezon City 1983). Ang mga angkop na batis sa nasabing aklat ay ang mga sumusunod: (1) Aguinaldo, Emilio, “Mga Gunita ng Himagsikan” (Memoirs of the Revolution), copyright 1964 by Cristina Aguinaldo Suntay (Manila, 1964); (2) Archutegui, Pedro S. de, S.J., and Bernad Miguel R. S.J., “Aguinaldo and the Revolution of 1896, A Documentary History” (Quezon City: Ateneo de Manila University, 1972); (3) Quirino, Carlos, “Historical Introduction, The Trial of Andres Bonifacio,” translated from the Spanish by Virginia Palma-Bonifacio (Manila: Ateneo de Manila, 1965); (4) Taylor, John R.M., “The Philippine Insurrection Against the United States,” with Introduction by Renato Constantino, (Eugenio Lopez Foundation, Pasay City, 1971). #TUKLAS

ANG PAGTATAKSIL NI SUPREMO ANDRES BONIFACIO - Unang Yugto

Ni Virgilio Leynes

Una kong natisod ang ginawang pagtataksil ni Supremo Andres Bonifacio laban sa pamahalaang himagsikan ni Pangulong Emilio Aguinaldo sa kinatha ni Gg. Epifanio delos Santos na nalathala sa Revista Filipina, noong Enero 1918. Ito’y sinundan ng aklat ni Cristina Aguinaldo Suntay na pinamagatang “Emilio Aguinaldo: Mga Gunita ng Himagsikan” na nalimbag noong 1964. Ang mga hibla naman ng mga salaysay ay hinimay-himay ni Alfredo B. Saulo sa kanyang aklat na may pamagat na “Emilio Aguinaldo – Generalissimo and President of the First Philippine Republic – First Republic in Asia” na lumabas noong 1983.
Narito ang salaysay ni Saulo tungkol sa pagtataksil ni Supremo Andres Bonifacio:
“Ang napakamahalagang labanan sa lagusang Pasong Santol ay nangyari halos isang araw pagkatapos na maitayo ang pamahalaang himagsikan (sa kumbensiyon sa Tejeros). Sa katunayan, ang labanan ay nagsimula noong nakaraang isang linggo, Marso 7, sampung araw pagkatapos na bumagsak ang población ng Dasmarinas, at mula noon ang naturang lagusan ay ilang ulit nagpalitan kamay; hahawakan ng mga Pilipino sa umaga, ngunit makukuha ng kalaban sa hapon; muling babawiin at muling kukunin. Kaya ang unang ginawa ni Pangulong Aguinaldo pagkatapos niyang manumpa ay tumawag ng pulong at doon ay napagkayarian na magpadala ng tulong sa mga Pilipinong nagtatanggol sa Pasong Santol. Ang mga nasa pulong – na tinaguriang “Asemblea Aguinaldo-Cavitena ” - sa Sta. Cruz de Malabon (Ricarte, 24) liban kay Aguinaldo ay ang kanyang pangalawang pangulo, si Heneral Mariano Trias Y Closas; ang direktor ng digma, si Heneral Emiliano Riego de Dios; at ang kapitan-heneral, si Artemio Ricarte. Narito ang salaysay mula sa isang dahon ng kasaysayan:
“Pagtapos ng panunumpa ng hapon din iyon [isinulat ni Aguinaldo] tinawag ko ang aking mga kasamahan – Heneral Trias at Riego de Dios – pati si Heneral Ricarte sa isang pulong. Sinabi ko sa kanila na kailangang lahat ng punong militar sa bawat bayan na hindi kasalukuyang nakikipaglaban ay magtungo sa Sta. Cruz de Malabon upang tumulong kay Heneral Crispulo Aguinaldo sa Pasong Santol.
“Hindi pa man ako natatapos ng aking sinasabi ay biglang tumayo si Heneral Artemio Ricarte at nagsabing siya daw ay nahihilo. Kaya lumabas agad at ni hindi man lamang nakapagpaalam. Nagulat ako sa ganitong pakita ng heneral ng ating hukbo. Ngunit hinayaan ko na lamang. Ibinigay naman sa akin ang suporta ng dalawang heneral na umayon sa aking mungkahi. Nang gabi ding iyon ay nagpadala ng pasabi sa lahat ng tropang Magdiwang.
“Nang magaalas-diyes ng umaga kinabukasan, Marso 24, masaya kong nakita ang pagdating ng isang batalyon sa pamumuno ni Komandante Andres Villanueva, anak ng dating ministro ng digma, si Ariston Villanueva, sa gabinete ni Bonifacio, na sumagot sa aking tawag. Kaya agad kong inutusan si Villanueva na pumunta at tumulong kay Heneral Crispulo Aguinaldo sa Pasong Santol. . . Isa-isang nagdatingan pa ang mga kompanya at batalyon sa Sta. Cruz de Malabon galing sa iba’t ibang munisipyo. Agad ko silang inutusang magtungo sa Pasong Santol.” (Aguinaldo, 185-187)
“Tila wala namang ibinungang masama ang pagwawalang bisa ni Bonifacio ng resulta ng kumbensiyon sa Tejeros noong makalawa. Ngunit nagkapagtataka ang ikinilos ni Ricarte. Nagkukunwari ba siyang maysakit nang bigla siyang tumayo at nagsabing nahihilo siya bago pa man natapos ni Aguinaldo ang tungkol sa pagpapadala ng tulong sa Pasong Santol? Si Ricarte ay kanang kamay ni Bonifacio at kalihim ng kumbensiyon sa Tejeros. Sa katunayan, si Ricarte ang nagpakana at nagsulong ng kumbensiyon sa simula pa sa tulong ni Bonfiacio, itinakda ang araw upang kaunti lamang sa pinuno ng Magdalo ang makakadalo dahil nakikipaglaban sila sa mga kaaway. Napakagaling ng pagpili sa araw ng kumbensiyon; walo lamang sa pinuno ng Magdalo ang nakarating. Masasabing si Ricarte rin ang nagayos at namigay ng mga balota. Maaring siniguro niya na lahat ay ayos – ayon sa plano – hanggang sa bumalik na ang mga balota at binilang. At anong saklap! Ang Supremo Bonifacio ng Katipunan ay sunod-sunod na tinalo ng isang Magdalong Katipunero (Aguinaldo) para sa pagka pangulo, at ng isang ministrong Magdiwang (Trias) sa pagka pangalawang pangulo. Mukhang nagulo yata ang mga plano! Pakiramdam siguro ni Ricarte na ang kanyang mundo ay bumagsak. Bigla siyang naguluhan dahil samantala ang kanyang idolo ay magkakasunod ang talo sa isang kalaban na wala naman sa botohan at saka sa kanyang tauhan at tagahanga, siya naman, si Ricarte ay napanalunan ang pwesto ng kapitan heneral. Sino ngayon ang hindi magdududa na walang kalukuhang naganap? Ito ang dahilan kung bakit ang hiyang-hiya si Ricarte ay hindi tinanggap ang kanyang pagkahalal, at nagpapakumbabang sinabi na hindi siya karapatdapat sa posisyon. At pagkatapos ipahayag ni Bonifacio na walang bisa ang resulta ng kumbensiyon hindi maatim ni Ricarte na tanggapin ang kanyang panalo. Ganyan kadikit ang samahan nila Bonifacio at Ricarte. Lahat ay nakatungtong sa maling akala.
“At itinuloy ni Aguinaldo ang kanyang malungkot na salaysay:
“At anong sakit ng pagkabigo at kalungkutan ang aking naramdaman nang malaman kong ang mga kawal na ipinadala sa Pasong Santol ay hinarang ni Heneral Ricarte sa utos ng Supremo. Ang mga kawal ay tinipon sa malaking bakuran ni Ginang Estefania Potente sa población ng San Francisco de Malabon kung saan sinabi sa kanila ng Supremo na huwag nang sumaklolo sa Pasong Santol kundi hintayin na lamang ang mga kalaban sa teritoryo ng Magdiwang. At isa pa, nagutos din ang Supremo na ako ay harangin at dukutin pag dumaan ako patungong Imus pagkatapos akong makapanumpa sa Sta. Cruz de Malabon.

“Nang malaman ko ang masamang balak na ito, napabutonghininga na lamang ako at nasabi ko sa aking sarili, “Ang ating paghihimagsik ay hindi magtatagumpay dahil sa kasakiman at mapaghiganting asal ng isang tao (si Bonifacio). Galit na galit si Heneral Trias at iminungkahi kay Aguinaldo na ipahuli ang mga taksil! “ (Aguinaldo, 187)
“Ano ang nangyari pagkatapos harangin ni Bonfacio at Ricarte ang mga tutulong sa Pasong Santol? Ang kasagutan ni Aguinaldo:
“Noong gabi ng Marso 25, parang kidlat na tumusok sa akin ang balita na nakuha ng kaaway ang Pasong Santol, at ang mahal kong kapatid na si Crispulo Aguinaldo ay napatay sa isang matindi at madugong labanan.” Si Heneral Crispulo Aguinaldo, na naging tapat sa kanyang sumpa, ay nakipaghamok ng higit sa kanyang kakayahan, ngunit sa dami ng kaaway at lakas ng armas ng kalaban ay nakubkob ang lagusan at nanaig ang kalaban – sa ibabaw ng kanyang bangkay.
“Tinanggap ni Aguinaldo ang balita ng lubos ang kalungkutan at pagdaramdam.
“Kung ang malakas na tulong na aking ipinadala sa Pasong Santol ay hindi hinarang [dagdag ni Aguinaldo], sana ay hindi lamang ang heneral na kastilang si Antonio Zaballa ang napatay at nalibing doon sa labanan kundi mas malaking disgrasya sana ang nangyari na lalong magpapalala sa biglaang sakit ni Gobernador-Heneral Polavieja.” (Aguinaldo, 188)
“Alam sa kampo ni Aguinaldo na si Polavieja ay nagkasakit dahil sa pagkatalo ng kanyang hukbo at pagkawala ng marami niyang opisyal at mga sundalo sa nakaraang labanan sa Anabu II. Kaya siya ay naghain ng pagbibitiw sa posisyon dahilan sa hindi daw siya tinulungan ng pamahalaan ng Madrid.
“Kung sana ay nagbalik na lamang si Bonfacio sa kanyang himpilan sa Magdiwang pagkatapos ng kumbensiyon sa Tejeros at doon niya ibinuhos ang kanyang hinagpis, at sinarili na lamang ang kanyang kabiguan, nagkaroon sana ang sambayanan ng malasakit sa kanya. Ang nangyari tuloy, pagkatapos na itayo ng Supremo ang Katipunan at alagaan ito ng apat na taon, sa ilalim ng mapagusig na mga Kastila, hanggang maging malawakang samahan ng 30,000 kasapi – ang Supremo ay tinanggihan at di binigyang halaga ng mga kadugo sa Cavite? Napakahirap isipin!
“Ngunit si Bonifacio na nagpamalas ng pagmamataas tulad ng isang dugong-bughaw na Manileno sa harap ng isang mahiyaing porbinsiyano, ay hindi matanggap ang kanyang pagkatalo ng walang sama ng loob. Hindi niya kinilala ang pamahalaang himagsikan, at ipinagpatuloy niya ang kanyang Katipunan, kahit sukdulang magisa na lamang siya. Ito ang malaking pagkakamali ni Bonifacio: hindi niya natanto na ang Katipunan ay nabuwag na pagkatapos na maitayo ang pamahalaang himagsikan, na siyang pumalit sa Katipunan. Samakatuwid wala ng iba pang samahan, ahensiya o kilusan na may katumbas na layunin ang maaring kasabay na kumilos dahil ang kailangan ng himagsikan ay isang natatanging kapangyarihan na magsusulong ng layuning pabagsakin ang rehimeng Kastila. Maaring di masama ang hangarin ni Bonifacio nang harangin niya ang mga tutulong na tropa – ang iiwas ang kanyang mga kawal Magdiwang sa labanan upang ihanda sa inaasahang pagsalakay ng kaaway sa teritoryo ng Magdiwang, ngunit hindi maikakaila na ang utos sa pagpapadala ng tulong sa Pasong Santol ay nagmula sa kapangyarihan ng pamahalaang himagsikan sa pamumuno ni Aguinaldo. Kaawawa ang sasapitin ng sinumang hindi makakaintindi nito!
“Ang pagharang sa tropa sa San Francisco de Malabon, na sanhi ng pagkakuha ng kalaban sa Pasong Santol at ikinamatay ni Heneral Crispulo Aguinaldo, ay nangyari katatapos pa lamang pagtibayin ang “Acta de Tejeros,” na isinulong ni Ricarte (Ricarte, 40) at nilagdaan ng 45 pinuno ng Magdiwang bago pa man nagpulong ang grupo ni Bonifacio sa bahay asyenda ng Recoletos noong hapon ng Marso 23. (Agoncillo, 361) Ang kasulutang ito ay unang kilos ni Bonifacio at kanyang mga kabig, lalo na si Ricarte, ng pagsuway sa pamahalaang himagsikan. Samantalang inihahayag ang sinasabing pandaraya na nangyari sa kumbensiyon, ang “Acta” ay nagsasaad ng mga bagay na napagkaisahan ng mga lumagda:
“Kami . . . ay nagkaisa na humiwalay sa kanila [tukoy ay si Aguinaldo at kasamahan sa pamahalaang himagsikan], at hindi namin ipasasailalim ang aming kabisera [Magdiwang] sa kanilang kautusan, mangyari na ang mangyari . . . Lumagda kami dito, at isinusumpa naming na inaalay ang aming buhay at ari-arian para sa kalayaan at kapayapaan ng panguluhan [pamahalaang Magdiwang] . . . at aming din pinagkayarian na sinuman sa amin ang lalabag sa kasunduang ito, siya lalabanan ng lahat ng walang awa . . . (Agoncillo, 224)
“Ang sinasabing pandaraya sa kumbensiyon na binanggit sa “Acta” ay ang mga sumusunod: (1) “walang bisa ng batas” ang kumbensiyon; (2) “napagalaman naming hinigpitan ang aming panguluhan”; (3) “ang mga balota ay ginawa ng isang tao lamang at ipinamigay sa mga taong hindi karapatdapat upang sila ang mamayani”; (4) “napagalaman namin na kami ay pinagkaisahan nila [ang mga Magdalo].
“Nasasaad din sa kasulatan na ang “di makatarungang pangyayari sa kumbensiyon ay pinatutunayan ng di nila [ang mga Magdalo] paggawa ng tala ng pinagusapan para sa aming lagda, at dagdag pa na sa katunayan wala ang aming mga “kapatid-opisyal” dahil sila ay naroon sa labas.” (Agoncillo, 223)
“Ang dalawang punto ng “Acta” ay mga sapantaha lamang at hindi naman napatunayan ng mga lumagda. Ang pangatlong bintang tungkol sa mga balota na ginawa daw ng iisang tao at ibinahagi sa mga hindi dapat bigyan ay hindi kapanipaniwala dahil lahat ng nangyayari ay tanaw-paningin ng mga tao ng Magdiwang, lalo na si Bonifacio at Ricarte, ang talagang nagpapatakbo ng kumbensiyon. Tungkol sa pangapat na bintang kung saan pinagkaisahan ang mga Magdiwang, ang “Acta” ay hindi nagbigay ng paliwanag kung ano talaga ang ginawa sa kanila, at hindi nilinaw ng walang kaduda-duda kung papaano nga ba sila pinagkaisahan. Malabong makakapasa sa isang hukuman kung isusumbong ang mga bintang.
“At sinasabing ang kumbensiyon ay di makatarungan dahilan sa walang naitalang mga pinagusapan na dapat nilagdaan, at ang bintang na ang kanilang mga opisyal ay nasa labas ng kumbensiyon ay parang sa isang bata sila nakikipagusap, walang katuturan o isang katangahan. Hindi ba ang kumbensiyon ay pakana ng mga Magdiwang? Sino dapat ang gagawa ng tala ng pinagusapan? Ang bumuo ng kumbensiyon ay siyamnapung porsiyentong delegado ng Magdiwang. Kung mayroong mga “kapatid-opisyal” na hindi nakapasok at nasa labas ng kumbensiyon, sila ay mga Magdalo, hindi opisyales ng Magdiwang. Ngunit walang ganitong reklamo ang mga Magdalo.
“Si Ricarte, ang tanging nakapagaral sa hanay ng mga Magdiwang, na siyang nagpakana ng tatlong anyaya kay Bonifacio na bumisita sa Cavite, at siyang umamin na nagsulong ng pulong ng mga reklamador, siya ang dapat umako ng pananagutan sa “Acta de Tejeros” na nagtulak sa pagkakawalay ni Bonifacio. At si Bonifacio naman, sa ginawa niyang pagpayag at paglagda sa “Acta” ay ipinakita niya ang kanyang kahinaan, lalo na ang kanyang walang kakayahang mamuno sa himagsikan. Hindi na kailangang sabihin na sinumang magkamali sa paghihimagsik, kahit maliit na bagay lamang ay buhay ang kabayaran. Ang himagsikan ay isang malubhang gawain, hindi isang laruan.
“Ang pagtatayo ng pamahalaang himagsikan ay isa nang “fait accompli” o katuparan, at hindi maaring buwagin ng isang “Acta de Tejeros” lamang. Hindi ito naintindihan ng 45 na lumagdang Magdiwang. (12 lamang ang nakikilala pa sa mga lumagda: Andres Bonifacio, Mariano Alvarez, Artemio Ricarte, Diego Mojica, Ariston Villanueva, Jacinto Lumbreras, Pascual Alvarez, Fr. Manuel P. Trias, (kura paroka ng San Francisco de Malabon), Luciano San Miguel, Santiago Alvarez, Nicolas Portilla, at Santos Nocon, tingnan sa Agoncillo, p. 360-361) Kaya para silang itinulak ng masamang hangin, dahil tumalon sila sa mali buhat sa isa ring mali. Nang kanilang isinigaw sa mundo ang hindi nila pagkilala sa pamahalaan ni Aguinaldo, hinusto nila ang kanilang “walang urungan” na kapasyahan sa pamamagitan ng pangalawa at lalong nakamamatay na kasulatan: ang Kasunduang Militar ng Naik (o Acta de Naic). Sa halip na 45 ang nakalagda sa kasulatan ito ay 41 lamang ang lumagda , kasama si Bonifacio, Ricarte, Pio del Pilar, at Severino de las Alas. (Agoncillo, 232) Anong nangyari sa apat na hindi lumagda? Sila ba kaya ay nanlamig?
“Ang unang hakbang sa pagtatayo ng hiwalay na pamahalaan na ginawa ng 41 lumagda ay nagkasundo sila sa isang lihim na pulong sa Naik noong Abril 19, 1897, halos isang buwan pagkatapos ng kumbensiyon sa Tejeros, na magtayo ng isang hukbo na pamumunuan ni Heneral Pio del Pilar, ang isa sa pinakamatapang na heneral ni Aguinlado sa labanan sa Binakayan at sa pagkakuha ng Talisay, lalawigan ng Batangas.
“Kami na nakalagda [sabi ng kasulatan], mga pinuno ng hukbo na nagkita-kita sa kumbensiyon na pinamunuan ng Punong Supremo [si Bonifacio] . . . ay pinagkaisahan na ang lahat ng kawal ay pagsasamasamahin sa pamamagitan ng pakiusap o sapilitan, sa isang hukbong isasailalim sa pamumuno ni Heneral Pio del Pilar.”
“Pagkatapos ihayag na wala silang ibang kikilalaning kapangyarihan kundi
“Katuwiran . . . at iyong mga matatapang ng pinuno [na bubuo ng hukbo], at ang mga lumagda ay nagsabing sinumang taksil ay parurusahan agadan [at nagtapos sa pamamagitan ng sumpa]: “Sumusumpa kami sa Diyos at bayang tinubuan na aming itataguyod ito [ang Kasunduang Militar ng Naik] hanggang hukay.” (Agoncillo, 231)
“Ang Kasunduang Militar ng Naik ay ganap na isang kataksilan. Nagaalab na ang himagsikan; ang mga Pilipino sa ilalim ni Aguinaldo ay nagtayo na ng isang tunay ng pamahalaang himagsikan upang mapabuti ang pakikibaka sa mga mananakop na Kastila; ang pagtatayo ng isang hiwalay na hukbo ay walang ibang tunguhin kundi ang pahinain ang lakas ng makapangyayaring pamahalaang himagsikan. Ibig din sabihin, sa pamamagitan ng Kasunduang Militar ng Naik, sina Bonifacio, Ricarte at mga kasama ay magbibigay tulong at ginhawa sa kaaway at ang kabiguan magiging bunga ng pagtutunggali ay kamatayan ng himagsikan.”
(Salin sa Tagalog ng mayakda mula Ingles sa dahong 134- 139 ng aklat ni Alfredo B. Saulo, “Emilio Aguinaldo – President of the First Philippine Republic, First Republic in Asia” (Phoenix Publishing House, Inc. Quezon City, 1983)

Sources cited in Saulo’s book named above:
(1) Agoncillo, Teodoro, “Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan”, (University of the Philippines Press, 1956)
(2) Aguinaldo, Emilio, “Mga Gunita ng Himagsikan”, (Memoirs of the Revolution), copyright 1964 by Cristina Aguinaldo Suntay (Manila, 1964);
(3) Ricarte, Artemio, "The Hispano-Philippine Revolution", Yokohama, 1927.

GINAHASA BA SI GREGORIA "ORYANG" DE JESUS ?

ni Virgilio Leynes Walang katibayan o salaysay na nagpapatunay na si Gregoria de Jesus (Oryang), ang magandang maybahay ni Supremo Andres Bo...